Biyernes, Disyembre 28, 2007

Ang Mag-anak na Pilipino at ang Migrasyon

Isang kalunos lunos na pangyayari ang aking nakita sa telebisyon. Ito ay nangyari sa isang bayan ng Laguna. Ayon sa balita, napatay ng isang lalaki ang kanyang asawa na kakauwi lamang galing abroad. Masaya sana ang pasko ng magpamilya dahil kakauwi lamang ng babae sa Pilipinas makalipas ang maraming taong paghahanap-buhay sa ibang bansa. Subalit isang gabi nagkasagutan ang mag-asawa. Nagkasigawan ang mag-asawa at naging tampok sa kanilang pag-aaway ang hinaing ng babae na kinakailangan niyang magtiis sa ibang bansa upang magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mag-anak. Nagdilim ang paningin ng lalaki ng sumbatan siya ng kanyang asawa.

Ilang pamilyang Pilipino kaya ang nakakaranas ng ganitong talaban. Ilang relasyon kaya ang pilit na pinaglalayo dahil sa kahirapan. Ilang bata kaya ang nangungulila sa kanilang mga magulang. Sa amin sa Naga, mahigit sa 50 porsyento na naninirahan sa aming kalye ay may kamag-anak na naghahanapbuhay sa ibang bansa. Sa isang sambahayan, kakauwi lamang ng isang ina galing sa bansang Hapon. Subalit pansin ko ang pag-aalinlangan ng mga bata sa kanilang hindi nakagisnang ina. Pansin ko rin ang pag-aalinlangan ng asawang lalaki na namamasada ng jeep. Kakaiba ang nagiging epekto ng migrasyon sa tradisyunal na pagkakakilala natin sa mag-anak. Maaaring hindi pa ito suliranin sa ngayon subalit may mga palatandaan na binabago nito ang relasyon ng miyembro ng mag-anak sa isa't isa. Saan kaya tayo mag-uumpisa kung ating nais maunawaan ang pangyayaring ito? Ito ba ay isang polisiya ng ating pamahalaan na bagamat nakakatulong upang palakasin ang piso kumpara sa dolyar ay hindi naman maganda ang naidudulot sa mag-anak. Ito ba ay isang coping mechanism ng mag-anak sa lumalalang problema ng kahirapan? Ito ba ay isang pagbabadya ng panahon ng isang globalized Pinoy? Maraming katanungan subalit kakaunti pa lamang ang kasagutan.

Linggo, Disyembre 9, 2007

Para sa mga Magsasaka ng Sumilao

Dumalo ako sa isang misa sa ‘Church of Gesu’ sa loob ng Pamantasan ng Ateneo de Manila noong ika-5 ng Disyembre hindi para mangumpisal kundi makiisa sa mga ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon. Mahigit 144 na ektarya ang kanilang ipinaglalabang lupa at ang tindi ng galit ay dinaan nila sa paglalakad mula Bukidnon hanggang Maynila upang ipakita sa mga tao lalong lalo na sa kasalukuyang pamahalaan ang kawalan ng hustisya sa bansa. Katulad ni Cardinal Gaudencio Rosales na siyang nag-alay ng misa para sa mga magsasaka, naantig ako sa ipinamalas na paninindigan ng mga magsasaka sa panahong tila bang wala nang pag-asa ang bansa. Napakaganda ng daloy ng nasabing misa sapagkat ginawa ito gamit ang wikang Bisaya, sa wikang lubos na nauunawaan ng mga magigiting na magsasaka. Ramdam na ramdam ko pati na rin ng mga naroon ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga mag-aaral, guro, mga pari at seminaristang Heswita, mga madre at mga ilang kasama sa NGO. Pagkapasok na pagkapasok pa lamang ng mga magsasaka ay sumambulat na ang palakpakan at hiyawan tanda ng pagdamay at papuri sa kanila.

Sa isang lipunang bugbog na sa maraming pagtataksil sa mga pangako ng kaginhawaan at pagbabago, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga kilusang katulad ng mga magsasaka ng Sumilao. Nagsisilbing panggising ito kung tayo ay nakakaidlip na magbantay sa mga kabuktutan ng pamahalaan o maging mga indibidwal. Kaya nga nakikitang ang ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Sumilao ay hindi lamang ang lupang inagaw sa kanila kundi simbolo rin ito ng laban para sa tunay na repormang agraryo. Magbulag-bulagan man ang ating pamahalaan, wala nang makakapigil sa pag-usbong ng inspirasyon na hatid ng mga magsasakang ito. Ilang magsasaka kaya ang kanilang naka-usap sa iba’t ibang lugar na kanilang dinaanan? Ilang bata kaya ang sila’y nasulyapan habang binabaybay ang kalsada sa gitna ng init at ulan? Ilang puso kaya ang naantig? Ilang isip kaya ang nagtanong? Ilang butil kaya ang naitanim upang sa kalaunan ay mag-umpisa ng panibagong kilusan na mas malakas at mas ganap?

Sa mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon… mabuhay kayo!!!! Ibilang niyo ako sa mga taong bagamat hindi ninyo nakausap ay naghahangad ng ganap na pagbabago.

Linggo, Nobyembre 25, 2007

Kayamanan ng San Diego

Mayroong napakagandang exhibit ngayon sa Pambansang Museo. Tungkol ito sa San Diego, isang barkong Espanyol, na lumubog noong ika 16 ng Disyembre 1600. Natagpuan ang labi ng San Diego malapit sa Fortune Island sa Nasugbu, Batangas. Mahalaga ang pagkakatuklas ng nasabing barko hindi lamang dahil sa kayamanang kasamang lumubog dito. Mas mahalaga ang kayamanang itinuturing ng ating lahing Pilipino na magpasahanggang ngayon ay patuloy pa rin nating hinahanap ang ating kasaysayang may saysay para sa atin. Makikinita sa San Diego ang ugnayan ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa katulad ng Mehico, Europa at mga karatig na pamayanan sa Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng kalakalang galyon. Ang iba’t ibang gamit katulad ng mga palayok, kalan, mga lampara at kandelabra, mga panlibang at gamit panulat (alabastes at patungan ng tinteruhan) ay mga nakuhang patunay na mayroon ng ugnayan ang Pilipinas sa ibang bansa sa panahong kolonyal. Magandang maunawaan ang mga ganitong bagay sapagkat maaaring maging susi ito na magbubukas pa sa maraming pinto para mapag-aralan ang ugnayan ng kulturang Pilipino sa grupong Austronesyano o Malayo-Polonesia. Ibig sabihin, mayroon tayong pinag-uugatan, mayroon tayong pinagsimulan bilang isang lahi. Hindi lamang tayo grupo ng tao na nasakop ng Espanya, Estados Unidos at ng bansang Hapon. Hindi lamang tayo mga indios na mangmang at alipin. Tayo ay may kasaysayan na bilang isang grupo ng tao bago pa dumating ang Kristiyanismo. Tayo ay may ugnayan sa mga ibang grupo ng tao katulad ng mga mangangalakal na Intsik. Kayo mismo ang bumisita sa Pambansang Museo upang makita ang kakaibang kayamanan ng ating lahi!

Lunes, Oktubre 29, 2007

Talakayang Libog sa Kumbensyunal na Radyo

Nakinig ako ng radyo kagabi, sa istasyon ng 103.5 FM (Max Radio ata yun). Bagay na hindi ko karaniwang ginagawa dala ng aking pagkakahumaling sa panunuod ng telebisyon at sa pagbabasa ng libro. Nagkataon lamang na naghahanap ako ng ibang mapaglilibangan. Tunay na nakuha ng mga nagsasalita sa istasyon ang aking pansin sapagkat kung ihahambing sa ibang istasyon, hindi kumbensyunal ang kanilang pinag-uusapan. Ang usapan ay umiikot sa tanong na “Ano meron ang mga lalaking may-asawa at anak na kinakasabikan ng ibang mga babae?” Bagamat mayroong kiling na ang lahat ng napag-uusapan tungkol dito ay napupunta sa usaping libog, akin din namang napagtanto na may kahalagahan ang tanong sa ating pang-araw araw na buhay. Kung tutuusin, ang tanong ay napapatungkol sa pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa. Ang hindi pangkaraniwan ay ang usaping kalaguyo o ‘mistress’ sa wikang kolonyal. Ang kalaguyo o kabit sa tingin ko ay matagal nang nangyayari subalit hindi nga lamang napag-uusapan. Marahil ang usapin ay ‘taboo’ o bawal na pag-usapan sa publiko. Kaya nga nakakatuwa na marinig ko na pinag-uusapan ito sa 103.5 FM. Ika pa nga ng isang nagsasalita (si DJ Logan ata) na ‘You can’t learn this from schools or from the Church.’ Mas nakakamangha pa na mayroong tumatawag sa kanila upang magbigay ng kuro-kuro tungkol sa pagiging kabit o kalaguyo. Muli, hindi pangkaraniwan ito para sa mga babaeng umaamin na sila ay kabit at sa radyo pa! Higit sa lahat malaya ang mga nagsasalita na sabihin kung ano ang kanilang saloobin. Nakailang beses din na narinig ko silang nagmura. Mga salitang katulad ng ‘slut’, ‘son of a bitch’, at ‘bastard’. Napag-isip tuloy ako kung paano nakakalusot ang mga ganitong salita sa radyo. Subalit ibang usapin na iyon. Sa huli, malaki ang paghanga ko at pagkamangha sa istasyong ito na gumawa ng ganitong programa (napansin ko rin na wala itong komersyal ng iba’t ibang produkto). Marahil ito ang dahilan kung bakit malaya sila sa kung ano ang kanilang sasabihin, nakakasama man ito o hindi. Sa isang lipunang Pilipino na nakahon sa mahabang panahon sa konseptong Kristiyano, paano ma-ilulugar ang mga ganitong programang kumikiliti sa libog at sa imahinasyon ng mga Pilipino, partikular ang mga kabataan. Marahil ang mga ganitong programa ay isa pa ring inangkat na imbensyon dala ng demokratisasyon sa bansa. Kung mayroong mga ganitong programang malayang naglalaro sa agos ng demokratisasyon, may kagyat kaya itong pagbabago sa kaisipan at kamalayang Pilipino na hindi pa natin gaanong napapansin? Kung ang libog, pagiging kabit at kalaguyo ay malaya nang napag-uusapan, mas lalo kaya nating mauunawaan ang dalumat ng mag-anak na Pilipino? Mas katanggap tanggap na kaya ang mga hayag na gawain nina Ramon Revilla, Sr. at Josept Estrada na mayroong mga anak at pamilya bukod sa una? Mabilis ang pag-ikot ng mundo. Sa bilis nito, baka hindi na tayo makasabay at baka magising na lamang tayo isang araw, iba na pala tayo sa mundong ating ginagalawan.

Martes, Oktubre 23, 2007

Tungo sa Isang Malayang Burma

Noong ika 19 ng Oktubre 2007, nakadalo ako sa isang pagpupulong na inihanda ng Alternative Lawyering Group. Nagkaroon ng bahaginan ang 15 kinatawan na nanggaling sa bansang Burma tungkol sa kanilang karanasan ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao ng military junta sa bansang iyon. Sa kanilang pagsasalaysay ng kanilang karanasan, lumabas ang matindi nilang paniniwala kay Aung San Suu Kyi bilang lehitimong lider ng oposisyon at ng kilusang pangdemokratiko sa Burma. Ang nakakalungkot sadyang mapaniil ang mga lider heneral ng kasalukuyang pamahalaan ng Burma sapagkat sa mahabang panahon nananatiling bilanggo si Aung San Suu Kyi sa kanilang bahay. Higit pa doon, isinalaysay din nila kung paano umiimbento ng mga kwento ang pamahalaan tungkol sa tunay na nangyayari sa loob ng bansa. Kung ganon, mas malalim ang suliraning kinakaharap ng mga taga Burma. Higit pa dito sa inaakalang puno’t dulo ng pag-aklas ng maraming mamamayan ng Burma: ang pagtaas ng presyo ng langis na sinasabing nagdulot ng malaking ‘discomfort in the minds of the poor’. Mayroon ring lumalabas na may pagkakawatak watak ang mga mamamayan dala na marahil ng matinding talaban ng mga iba’t ibang grupo sa bansa. Mas ipinaigting pa ang talabang ito ng iba’t ibang panawagan upang mabigyan ng solusyon ang kasalukuyang suliranin ng Burma. May iba na nananawagan ng malayang halalan at mayroon namang nananawagan ng pagbabago sa kanilang Saligang Batas. Ang iba ay nagnanais na ipatupad ang tinatawag nilang ‘7 Steps to Democracy’ samantalang ang iba ay nag-uudyok na makialam na ang United Nations at ibang maimpluwensiyang bansa. Sa huli, lumitaw na dahil sa masalimuot na suliraning ito, marami sa mga taga Burma ang nawawalan na ng pag-asang makalaya ang bansa sa kamay ng military junta. Hindi ko lubos maiwasan na ihambing ang Burma sa Pilipinas noong panahon ng Martial Law sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Subalit kung susuriin, mayroon silang bagay na wala pa tayong mga Pilipino. Napansin ko kasi na gagap nila ang kanilang sariling wika. Maalam din ang karamihan sa kanila tungkol sa kanilang kasaysayan. Mismong petsa at araw ng mga mahahalagang bagay ay alam nila. Napansin ko na habang isinasalaysay nila ang kanilang kwento bilang isang bayan, mayroong pagmamalaki at pagyayabang. Bagay na aking kina-ingitan. Ang mga magigiting na taga-Burma ay nagsasalaysay ng kanilang karanasan gamit ang kanilang wika. Kinakailangan pang isalin ito sa wikang Ingles ng ilan sa kanilang mga kasama na may kaunting nalalaman sa wikang Ingles. Para sa akin, ang paggamit ng sariling wika upang isalaysay ang kwento ng isang bansa ay patungo sa pagbubuo ng isang malayang bayan. Ipinakita ito ng mga taga-Burma. Marahil magandang dito sila mag-umpisa. Ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang mayamang kasaysayan ay umpisa ng pag-gising at pagmulat ng kamalayan ng buong bayan. Maaaring ito rin ang magsilbing mitsa upang maka-igpaw sa tanikalang gawa ng mga lider heneral. Bunga lamang ito ng aking pagmumuni-muni. Subalit naniniwala ako na ang susi sa kanilang tagumpay ay nasa kamay ng mga mamamayan ng Burma. Wala ito sa United Nations. Wala rin ito sa mga pilit na naghihimasok at nag-aastang sila ang makakasagot sa suliranin ng Burma. Nasa kamay ito ng mga mamamayan na matagal nang nagmamasid at inuunawa ang kanilang kalagayan. Mula sa kanila, uusbong ang isang malayang Burma na naaayon sa kanilang sariling pamantayan ng kung ano ang mahalaga at nakakabuti para sa kanila.

Huwebes, Oktubre 18, 2007

Tungo sa Pag-unawa ng Kalinangang Pangkalikasan

Tungo sa Pag-unawa ng Kalinangang Pangkalikasan sa

Mga Baybayin sa Dalampasigan sa Quezon

(Halaw sa pananaliksik na ginawa sa direksyon ni Dr. Clemen Aquino ng Departamento ng Sosyolohiya, Pamantasan ng Pilipinas)

Kapag ako’y mayroong hindi maunawaan, hindi ako mapakali. Binubuklat ko ang mga libro sa pagbabakasakaling matagpuan ko ang sagot sa aking katanungan. Minsan naman ako ay nagtatanong-tanong dahil baka sa paraang ito ay may makuha akong sagot o di naman kaya’y mga pahiwatig sa tanong. Maraming tanong ang nais kong bigyan ng sagot tungkol sa mga kababayan natin na naninirahan sa mga pamayanan sa dalampasigan. Sa pagkakataong ito, nagsimula ako sa pagbabalik tanaw sa mga karanasan ko sa aking pakikisalamuha sa mga mangingisda sa bayan ng Panukulan sa Quezon.

Mahigit limang taon na ako sa Institute of Social Order[1], isang non-government organization (NGO) na ginagabayan ng mga Heswita. Nakabatay ang programa ng ISO sa Batas Pampangisdaan ng Pilipinas o R.A. 8550, na naglalayong pagbutihin ang produksyon ng isda sa isang banda at pangalagaan ang karagatan sa kabilang banda. Kung susuriin, ang dalawang itinakdang layunin ng R.A. 8550 ay hindi magkatugma. Kaya ganun na lamang ang kaguluhang idinulot ng nasabing pambansang batas. Sa gitna ng lahat ng ito, nabuo ang kagustuhan ng ilan sa mga pamayanan sa Quezon na unahin ang pangangalaga sa likas yamang dagat. Sa halip na pataasin ang produksyon ng isda, ninais ng ilan na gumawa ng mga programang magbabalik ng kasaganahan sa mga bakawanan at bahura.

Sa mahigit na limang taon kong pabalik balik sa Quezon, maraming mga karanasan at mga bagay na hindi ko gaanong binigyan ng pansin. Dala ito ng pagkakaroon ko ng sariling pagtingin sa kalagayan ng likas yamang dagat. Hindi na maikakaila na isa sa mga ikinakaharap ng mga pamilyang mangingisda sa Pilipinas at sa buong mundo ang pagkawasak ng likas yamang dagat. Malaki ang implikasyon nito lalo na sa produksyon ng mga sektor sa pangisdaan[2]. Subalit dahil nga sa pagkasira lamang ng likas yamang dagat ako nakatuon, hindi ko nakita ang ilang bagay na mas pinahahalagahan ng mga tao sa komunidad. Sa ganitong paglalapat, sinimulan kong magbalik tanaw sa aking karanasan bilang mananaliksik upang maghanap ng mga dalumat na mas pinahahalagahan ng mga tao sa Quezon hindi lamang ang aking pagtingin sa pagkasira ng likas yamang dagat. Aking napag-alaman ang naging matingkad para sa kanila ay ang pangangalaga ng yamang dagat sa kaparaanan ng Bantay Dagat.

Mula sa mga karanasang ito sa pamayanan sa baybayin, aking naunawaan ang mga pagkabigo at tagumpay nila sa pangingisda. Sa paraang ito mas lubos kong naunawaan ang kanilang mga pangarap at hangarin sa pamamagitan ng pagtukoy at pagpapaliwanag ng kaparaanan ng mga Bantay Dagat. Sa pag-aaral na ito aking nauwaan ang mga dahilan kung bakit mayroong mga taong handang magbuwis ng buhay upang pangalagaan ang mga nakagisnan na sa pamayanan. Sa pamamagitan ng mga karanasan ng ilan sa kanila, naunawaan ko kung bakit mayroon pa rin sa kanila na bumabalik sa lugar upang muling makipamuhay at yakapin ang kultura sa pangingisda na kanilang nakagisnan. Subalit dala na rin ng maraming pagbabago sa kalagayan ng Look ng Lamon, mayroon na ring mga nakagisnan na hindi na naipagpatuloy.

Sa pag-aaral na ito ng kalinangang pangkalikasan ng mga pamayanan sa dalampasigan sa Quezon, mahalagang impluwensiya sa akin ang grounded theory na ipinaliwanag nina Glaser at Strauss, kung saan mas pinahahalagahan ang pagbubuo ng teorya bilang tunguhin sa pananaliksik. Ayon sa kanila, ‘ …discovery of theory from data--- which we call grounded theory--- is a major task confronting sociology today, for… such a theory fits empirical situations, and is understandable to sociologists and layman alike’ (1967,1). Tugma naman ang oryentasyong ito sa pananaliksik na tinagurian ni P. Alejo na ‘Pamimilosopiya mula sa Pakikisangkot’ na kung saan ‘ang mahalagang tanong sa katotohanan ay galing sa loob’ (1990, 3). Sa pag-aaral na ito, tinangka kong unawain ang kalinangang pangkalikasan mula sa ‘loob’, gamit ang mga pamantayang pinahahalagahan ng mga pamayanan sa dalampasigan sa Look ng Lamon. Hindi man ako kailanman mapapabilang sa kanila, akin namang tinangkang unawain ang malapit sa loob ko, ang mga karanasan ng mga kababayan nating mangingisda. Malapit din ang pag-aaral na ito sa ethnomethodology. Sa aking pag-aaral, ginamit ko ang pakikipagkwentuhan bilang isang kaparaanan upang makapagkalap ng impormasyon.

Naniniwala ako na mayaman ang karanasan ng mga mga mamamayan dito lalong lalo na sa pagbibigay kahalagahan ng mga ito sa Look ng Lamon. Para sa kanila ang kasaysayan ng bawat pamayanan ay nakabatay sa kasaysayan ng Look ng Lamon. Ang kanilang pagkabigo sa buhay o mga tagumpay ay hindi mailalayo sa karagatan.

Ninais ng pag-aaral na ito na patingkarin ang mga dalumat na pinahahalagahan ng mga mangingisda. Naunawaan ko ito sa pakikipagkwentuhan sa mga Bantay Dagat at ilan sa mga mangingisda kung saan lumabas ang mahahalagang dalumat katulad ng mag-anak at pakikipagkapwa-tao. Sa gayon, naipamamalas ng mga mangingisdang ito ang mahalagang papel ng paghubog ng kulturang may saysay sa kanila. Kakaiba ang mga ito sa mga konseptong aming ipinaliwanag at ipinapaliwanag pa rin bilang isang katuwang na NGO halimbawa ang konsepto ng stewardship na may impluwensiya ng Simbahang Katoliko at ng people empowerment na may impluwensiya naman ng demorakrasyang inangkat natin mula Kanluranin. Kaya nga mahalaga ang muling pag-angkin ng mga mangingisda sa mga dalumat na marahil ay matagal nang andun subalit hindi namin naunawaan dahil na nga sa mga nabanggit kong kadahilaanan. Alalaong baga, kinakailangan nating magkaroon ng pagbabago sa pagtingin sa kulturang ating madaling maunawaan kumpara sa mga kulturang atin lamang hiniram. Ika nga ni P. Albert Alejo, S.J., ‘Cultural regeneration demands that we challenge the unhealthy habits of our people that show their ugly tentacles in such pathetic social processes like election frauds, clan conflicts, environmental degradation, colonial mentality, technological mediocrity, and vulgar consumerism and impunity’(2007,8).

Talasanggunian

Alejo, Albert, S.J. (1990). Tao Po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao. Ateneo de Manila University, Quezon City.

Alejo, Albert, S.J. ‘Regenerating Filipino Culture’. Intersect (July-September 2007). Institute on Church and Social Issues, Quezon City.

Glaser, Barney G. and Strauss, Anselm L. (1967). The Discovery of Grounded Theory. Strategies for Qualitative Research. Aldine Publishing Company, Chicago: USA.



[1] Mahigit sampung taon nang nakikipagtulungan ang ISO sa mga lokal na pamahalaan at pamayanan sa Quezon upang ipatupad ang programang Community-Based Coastal Resource Management. Ninanais ng programa na palakasin ang kalikasan ng tao upang sa gayon ay magampanan nila ang pinagsanib na katungkulan ng lokal na pamahalaan at ng pamayanan sa pangangalaga ng likas yamang dagat.

[2] Ayon sa Batas Pampangisdaan ng 1998 o R.A. 8550, mayroong tatlong itinuturing na sektor sa pangisdaan. Ang mga ito ay ang munisipal na mangingisda na gumagamit ng bangkang pangisda na may timbang na hindi tataas na 3 tonelada, ang mga komersyal na mangingisda na gumagamit ng bangkang may timbang na higit sa 3 tonelada at mga nag-aakwakultura.

Linggo, Oktubre 14, 2007

Pamamaalam


Puminid na ang dating masayang bukangliwayway

Banaag sa mga ibon ang lungkot at lumbay.

Sa kalayuan mahihita ang namumuong luha

Badya ng mapait na paglimot at paghinunha.

Kagabi, inilatay ko ang huling bugso ng puso,

Na napagod sa paulit-ulit na pagkalumo.

Kagabi, inihatid ko na sa huling hantungan

Ang pusong dating masigla sa pag-irog at pagmamahal.

Ni wala man lamang umiyak o nagsumamo

Sa isang istoryang nagwakas sa pag-ibig ko.

Martes, Oktubre 9, 2007

Ang Kahalagahan ng Kamatayan sa Lipunang Pilipino

Nitong nakaraang linggo namatay ang aking tito, kapatid ng aking tatay. Hindi ko masyadong nakilala ang tito ko sapagkat lumaki na ako sa Naga City. Bagamat may pangilan-ngilan akong ala-ala tungkol sa kanya, ang sumama sa kanya na bumili sa palengke ng pagkain at paglakad sa kahabaan ng Aurora sa Cubao, liban doon ay wala na akong iba pang kwento. Subalit sa pangyayaring ito, nakita ko kung paano hinarap ng aming pamilya ang kamatayan ng isang kamag-anak. Lumuwas sa Maynila ang aking tatay mula sa Bicol. Lumuwas din ang aming mga kamag-anak, na doon ko rin lang naman nakita at nakilala, galing Ilocos Norte.

Maaaring mali ako, subalit naiisip ko na may mahalagang papel na ginagampanan ang lamay o burol. Maaaring ang mga ito ay nakakapagpalakas ng samahan ng isang pamilya at malalapit na kaibigan ng pamilya. Nakita ko na ito noong namatay ang nanay ng isa sa aking kaibigan at noong nakaraang taon ng mamatay naman ang aking lola. Ang pagdamay sa mga namatayan ay isang paraan ng pagsasabing andito lang ako, kung kailangan mo ako huwag kang mag-aatubili na magsabi. Ika pa nga ng isang kaibigan, “parang family reunion.” Anumang itawag dito, ang lamay at burol ay nakapagtatag ng samahan. Ang mga matagal nang hindi nagkikita ay muling nagkita, ang matagal nang hindi nag-uusap ay nagkakausap. Katulad na lamang ng mga pinsan ng aking tatay na sa gabing kami’y naglamay ay nagkamustahan at nagkakwentuhan ng mga pangyayari noong sila’y mga bata pa lamang. Minsan may mga kwentong mapapatungkol sa namatay kong tito at magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pero madalas malalakas na tawanan at biruan. Patunay na sa bawat pagharap sa kamatayan, may nabubuong relasyon na tumutulong upang umigpaw sa dalamhating nararamdaman sa tuwing may lumilisan.

Napansin ko rin na ang lamay at burol ay isang paraan din upang kilalanin at isagawa ang mga katutubong paniniwala o mga pamahiin. Akala ko noon na sa patuloy na pag-inog ng mundo, sa patuloy na pagtakbo ng kasaysayan ng Pilipinas patungo sa hinahangad nitong modernismo, hihina ang mga katutubong paniniwala, ang pamahiin halimbawa. Subalit mukhang mali ako. Sa tuwing mayroong patay, lumalabas ang mga pamahiin halimbawa bawal ang magsuklay, magsalamin at magdala ng mga pagkain galing sa lamay at burol. Bawal din ang maghatid ng mga bisita, bawal ang magpaalam. Sa pamilyang relihiyoso katulad ng pamilya ng tito ko, hindi ko lubos maisip na naniniwala din sila sa mga ganoong pamahiin. Sa tingin ko, mahalaga ang mga ito. Patunay ito na buhay ang mga paniniwala ng mga sinaunang Pilipino sa gitna ng maraming pagbabago sa ating lipunan. Ito ang mga kwentong may saysay sa atin sapagkat ito ang mga bagay na sa tingin ko ay ating pinahahalagahan. Kung hindi natin ito pinahahalagaan, disin sana ay kinalimutan na natin ang mga ito. Matingkad para sa akin ang mga punang ito dahil aking nararanasan at aking na-uunawaan ang mga ito.

Linggo, Setyembre 23, 2007

ALAALA

(Para sa isang Yumaong Kaibigan)

Iniluwal ang istorya mula sa paghinga

Binuo ng dalisay na pagunawa at pagsinta

Hinurno sa init ng pagyakap at pagsala

Hanggang sa matutong tumindig at abutin ang tala

Araw, hapon, gabi, iginuhit sa tadhana

Ang pagkatuto, pagtanong at paglaya.

Nang mahigitan pa ang tindig ng sarili at ng iba

Ninais na sundan ng isa at isa pa

Subalit ngumiti ang langit ng pagkaganda

Naakit sa kinang ng gintong wala sa lupa.

Hindi na lumingon sa lugar kung saan nagsimula

Ang pag-anak, pagkabuhay at pagkakilala

Tanging naiwan isang ngiting alaala

Linggo, Setyembre 16, 2007

Dwende at Aswang: Mga Paniniwalang Bikolnon

Pagtatagpo sa Dwende at Aswang

Napakahalagang pag-aralan ang mga sinaunang paniniwala ng ating mga ninuno. Sa tingin ko, sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga paniniwalang ito ay ma-isasalamin sa atin ang kanilang kinagisnang kultura, paraan ng pamumuhay at pagtingin sa mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, harinawa’y maunawaan natin ang ating pagkakakilanlan bilang isang pamayanan labas sa mga kolonyal na konseptong ating niyakap sa mahaba-haba ring panahon. Hindi kaila sa amin sa Bikol ang paniniwala sa mga lamang-lupa at mga hindi nakikitang hindi tao. Sa katunayan, ang mga kwento tungkol sa mga kakaibang nilalang na ito ay naging panakot ng aming mga magulang noong mga bata pa kaming magkakapatid. Mas lalo pa itong napatingkad sa akin dahil sa isang karanasang hindi ko rin makalimutan noong maliit pa ako.

Naalala kong mahilig akong maglaro mag-isa sa likod bahay namin. Mapuno kasi duon kaya masarap maglaro sa makulimlik na lugar. Ngunit kinagabihan, bigla na lamang sumakit ang aking tiyan. Namimilipit ako sa sakit at pinagpapawisan ng malamig. Dinala ako noon sa pagamutan at nanatili ng isang linggo. Ayon daw sa duktor, pumutok na aking appendix kaya kailangan na itong alisin. Subalit sadyang mapagpaniwala ang aking nanay sa mga matatandang paniniwala. Kaya ako ay idinala sa isang albularyo sa Brgy. Sta. Cruz, hindi kalayuan sa amin. Ang albularyo ay kumuha ng isang maputing pinggan at nagsindi ng kandila. Matapos ang ilang orasyon, ipinadaan ang maputing pinggan sa ibabaw ng apoy ng kandila. Sa aming pagkamangha, nagkaroon ito ng larawan ng maliliit na nilalang, mga dwende nga daw. Malamang ay nabulabog ko sila noong ako ay naglalaro sa aming likod-bahay. Nagbigay ulit ng orasyon ang albularyo at may ipinahid na langis sa aking tiyan. Mula noon, hindi na muli sumakit ang aking tiyan.

Ang karanasang ito sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay mauulit nang ako ay nasa hayskul na. Gabi na nang kami ay umuwi ng aking mga kaibigan galing sa isang okasyon. Una nila akong inihatid sa aming bahay sa Dayangdang. Kakaunti pa lamang ang mga karatig-bahay namin noon. Wala pa ngang mga poste ng ilaw. Ang tapat at gilid ng aming bahay ay puro talahib at puno ng saging. Nakatulog na ang aking mga kapatid at magulang kaya matagal tagal na rin kaming kumakatok sa pintuan. Sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay may nakita kami sa tapat ng bahay naming ng isang malaking paniki na bigla na lamang lumipad. Dinig na dinig pa namin ang pagaspas ng pakpak nito. Maitim at mabilis ang galaw. Maaaring sa sigaw namin ay nagising ang aking tatay at kami ay pinagbuksan.

Paano kaya natin ito maipapaliwanag? Kathang-isip lamang kaya ang mga ito? O kaya naman ay may tungkulin kaya itong ginagampanan sa ating lipunan?

Pagtangkang Unawain ang Hindi Maunawaan

Isang paring Heswita ang nagtangkang unawain ang paniniwalang ito ng mga Bikolano. Sa kanyang akdang pinamagatang ‘An Mga Asuwang: A Bicol Belief’ ipinaliwanag ni P. Francis X. Lynch na ang paniniwala sa mga asuwang ay isang ‘living belief’ na kung saan nabibigyan ng buhay ang mga kwentong ito sa pamamagitan ng pagsasalin-salin sa iba’t-ibang henerasyon. Ang mga kwento ng asuwang ay inililipat ng mga magulang sa kanilang mga anak at sa mga anak ng kanilang anak. Pinag-aralan ni P. Lynch ang paka-kahulugan ng mga Bikolano sa mga asuwang sa pamamagitan ng pagpapakwento sa mga matatanda sa mga probinsiya ng Camarines Sur at Albay. Ang mga asuwang ay tumutukoy sa ‘man or woman possessing preternatural powers of locomotion and metamorphosis and an inhuman appetite for the voided phlegm and sputum of the deathly sick, as well as the flesh and blood of the newly dead’ (Lynch,402). Ipinaliwanag niya na marahil ang mga paniniwalang ito sa mga asuwang at iba pang mga kakaibang nilalang ay para panakot sa mga batang may matigas na ulo. Ayon din sa kanya, maaaring ang mga paniniwalang ito ay naging pamantayan rin ng mga Bikolano sa pakikisalamuha sa ibang tao. Pinananiwalaang ang mga asuwang daw ay hindi masyadong nakikisalamuha sa ibang tao, palaging mag-isa, tahimik at misteryoso/a.

Subalit nakaligtaang banggitin ni P. Lynch na marahil ang paniniwala ding ito ay naging paraan ng Simbahang Katoliko upang ma-isanib sa katutubong konsepto ang kanilang itinuturo tungkol sa Diyos at mga santo. Katulad na lamang ng mga orasyong ibinabanggit ng mga kakaibang nilalang bago sila magkatawang asuwang. Isa sa mga orasyon na ito ay ‘Siri-siri, daing Diyos kung banggi; labaw sa kakahoyan, lagbas sa kasirongan.’ Sa wikang Ingles ‘Siri, siri, there is no God at night; over trees, under houses’ (Lynch:407).

Sa aking pagtingin, taliwas ito sa mga naunang paniniwala ng mga Pilipino na sumasalamin sa animismo. Ibig sabihin, bago pa dumating ang mga Kastila, pinaniniwalaan na ng mga Pilipino na may mga diyos ang batis, ilog, gubat, at iba pa. Sa tingin ko naging kasangkapan lamang ang mga paniniwala sa aswang ng mga Kastila upang maipalaganap ang Kristiyanismo. Maaaring ang pagkatakot sa Diyos ay ang pagkatakot sa pagkawala sa landas patungo sa kanya. Ang pagiging asuwang, pagiging malihim, mapag-isa at misteryoso/a ay hindi angkop sa kulturang Kanluranin kaya na-imbento ang mga asuwang at dwende. Sila ang mga

Kaya nga may mga katanungan pa rin na kailangan nating sagutin. Buhay na kaya ang mga paniniwalang ito bago pa dumating ang mga Kastila? May mga aswang at dwende na kaya sa mga isipan ng mga bata noong mga sinaunang panahon? Dwende at aswang, sila nga ba ay mga kathang isip lamang o mga buhay na nilalang?

Sanggunian:

Lynch, Francis, S.J. An Mga Asuwang: A Bicol Belief. Philippine Social Sciences and Humanities Review, Vol. XIV, No.4, pp.401-427.

Linggo, Setyembre 9, 2007

Ang Lungsod ng Naga sa Aking Ala-Ala

Ang Lungsod ng Naga sa Aking Ala-Ala

Ipinanganak ako sa dati naming bahay sa habang-daan ng Barlin sa Lungsod ng Naga. Ipinangalan ang kalyeng yaon kay P. Jeorge Barlin Imperial, ang kauna-unahang Pilipinong naging Obispo at kauna-unahang ministro na naging Gobernador ng Sorsogon sa Bicol. Tubong Baao, Camarines Sur si P. Barlin. Tandang tanda ko siya kasi mayroong maliit na parke na ginawan ng rebulto niya sa kalyeng iyon kung saan kami madalas naglalaro ng patintero at taguan ng aking mga kababata. Hindi ko makakalimutan ang mga gabing yun kung saan tanging liwanag ng buwan lamang ang nagsisilbi naming ilaw. Napakaganda para sakin ang habang-daan ng Barlin lalo na kapag maliwanag ang buwan, hindi naming alintana ang mga aswang at mga lamang lupa na ikini-kwento sa amin ng aming mga magulang. Kapag tinunton mo naman ang dulo ng habang-daan ng Barlin mula sa parke ay mararating mo ang Naga Metropolitan Cathedral. Noon, ilang beses rin akong nagising sa mga kalembang ng kampana ng simbahan na nagpapahiwatig sa amin ng aming obligasyon sa Panginoon. At tuwing simbang gabi, makikita mo ang pag-gising ng aming munting komunidad. Isa-isang nagbubukas ng bintana at ilaw para gumayak patungo sa simbahan.

Kaya nga nakakapanghinayang dahil wala man lamang historikal na dokumento ang nagpapatungkol sa kung anong uri ng pamumuhay ang mayroon sa mga unang naging nagtahan sa Naga. Sinubukan naman ni P. Raul Bonoan, ang dating Presidente ng Unibersidad ng Ateneo de Naga, na alamin ito sa pamamagitan ng pagkukumpara ng kultura ng mga taga Naga at ilang parte sa Timog-Silangang Asya. Sinabi ni P. Bonoan na hindi malayong ang Naga ay itinatag ng isang grupo na may parehas na pangalan na nangaling sa Timog-Silangang Asya at namahay malapit sa Ilog ng Bikol. Ika nga ni P. Bonoan, “they gave expression to their water-based culture in their daily lives, including their means of livelihood, the current cycle of rites, festivals, and processions on waters” (nabanggit ni Gerona 1999:11-12). Maaaring ginamit ng mga Kastila noong panahon ng kolonisasyon ang pamamaraan at mga nakagisnang ritwal ng mga katutubo upang maging kasangkapan sa mas madaling pagyakap sa Kristiyanismo. Kaya marahil dito nag-ugat ang tradisyong Traslacion at Fluvial Procession tuwing kapiyestahan ni Nuestra Senora de Penafrancia ngayong Setyembre.

Sa ngayon, pinamumunuan ni Alkalde Jesse M. Robredo ang komunidad ng Naga. Ang pamumuno ni Mayor Robredo ay naghatid na rin ng maraming parangal at papuri sa Naga. Ipinagmamalaki rin namin ang isa sa mga paborito nitong anak, si dating Senador Raul Roco. Naalala ko pa noong maliit na bata pa ako kung saan pumupila kami ng mga kaibigan ko sa labas ng bahay ng dating Senador upang humingi ng regalo tuwing pasko. Nakagisnan na kasi ng pamilya nila na mamigay ng mga regalo tuwing pasko. Ang luma nilang bahay ay nasa habang-daan din ng Barlin malapit sa Naga Cathedral.

Hindi na ako masyadong nagagawi sa Barlin tuwing uuwi ako sa Naga. Malayo na kasi ang bahay namin sa mismong sentro nito. Subalit sa tuwing nakakauwi ako nandun pa rin ang galak ko na muli ay makakatuntong ako sa bayang aking nakagisnan. Nandun pa rin ang katuwaang makakita ng mga kakilala at kababata. Nandun pa rin ang kiliti ng imahinasyon na mayroong mga katutubo na nauna nang nanirahan sa Naga. Nandun pa rin ang yabang na sa dami naming pinagdaanang bagyo at unos sa buhay, nanatiling magaling at oragon ang mga taga Naga..


Sanggunian:

Obias, Jose Fernando et. al. (Eds) 1999. Camarines by the Vicor. Office of the Governor, Camarines Sur.


Biyernes, Agosto 31, 2007

Para kay 'Ina'

Buwan na naman ng Setyembre at ang lahat ng daan ng mga Bicolano ay patungo sa Naga para sa piyesta. Maraming deboto mula pa sa iba't ibang dako ng Pilipinas at ng mundo ang pumupunta ng Naga upang makiisa sa pagdiriwang ng kapiyestahan ni 'Ina', ang Nuestra Senora de Penafrancia. Ika nga ni Nick Joaquin, isang National Artist, '... by land, sea, air and river come the pilgrims, to attend the fiesta of the Bicol Patroness... What Mecca is to the Muslim, Naga is to the Bicolanos.' Pati ang mga may-ari ng bus sa Maynila na byaheng Naga ay nagbibigay ng 20% discount sa pamasahe. Tila ba isang pagpapaanyaya sa lahat ng nais na makita ang kulturang ipinagmamalaki ng mga Bicolano. Kasama na rito ang Civic at Military Parade na dinadaluhan ng iba't ibang lugar at paaralan sa Bicol.

Ang kapiyestahan ay ipinagdiriwang tuwing pangatlong Sabado ng Setyembre. Nakagisnan ko ang paglilipat ni 'Ina' mula sa bahay nito sa Basilica Minore patungong Naga Metropolitan Cathedral na tinatawag na Traslacion. Idinadaan ang imahen ni 'Ina' sa Ilog ng Naga. Pagkatapos ng walong araw sa Naga Cathedral ay ibabalik ito sa kanyang bahay sa Basilica Minore sa pamamagitan ng fluvial procession. Sa pamamaraang ito, libo-libong voyadores ang nagpapasan at naghahangad na mahawakan man lamang ang damit o imahen ni Ina. Mapalad ako at lumaki ako sa Dayangdang, isang barangay na malapit sa Ilog ng Naga, kaya't nasaksihan ko kung paano inililipat si 'Ina'. Mayroong malaking pagoda ito na punong puno ng bulaklak. Ang pagodang ito ay hila hila naman ng maraming maliliit na bangkang de sagwan. Tuwing mapapadaan ang imahen ni 'Ina', makikita ko ang mga puting panyong iwinawagayway at mga sinindihang kandila. Mangingilabot ka sa ipinapakitang pagmamahal ng mga Bicolano kay 'Ina'. Mayroon ngang mga pagkakataon na lumulundag ang ilang mga tao sa Ilog upang makalapit sa pagoda.

Malaki ang pagkamangha ko sa tradisyong ito na aking nakagisnan. Sa panahong ito na maraming pagbabago sa ating lipunan dala ng malayang pagpapalitan ng impormasyon at karanasang makapangibang bayan, patuloy ang pagpapayabong ng tradisyong katulad nito. Marahil naka-ugat na rin kasi ito sa pang-arawaraw na pamumuhay ng mga Bicolano. Sadyang malapit daw sa Diyos ang mga Bicolano. Bagay na hindi namin ikinakaila dahil nga sa sitwasyon at kundisyong hinihingi ng panahon. Sa maraming pagsubok, bagyo at sakuna na naranasan ng mga tao doon, isang bagay lamang ang nagsilbing tanglaw at hingian ng tulong ng mga ito. Ito ay si Nuestra Senora de Penafrancia, ang 'Ina' ng mga Bicolano.

Pagbabalik Tanaw sa Kinaroroonan


Mga limang oras din ang biyahe mula Maynila hanggang Real, Quezon. Mula sa dalampasigan ng Dinahican ay tatawid pa kami ng isla upang marating ang bayan ng Panukulan sa Quezon. Isa ito sa mga pulo ng Polillo na matatagpuan sa silangan ng Luzon. Alas dos na ng hapon. Dahil sa ‘kati’ na ang dagat noon, mahirap para sa mga bangkang pampasahero na dumaong sa dalampasigan. Kaya kinakailangan kaming buhatin ng mga naghohornal upang makasampa sa bangka. Bagamat kinakabahan ay nilakasan ko na lamang ang aking loob sabay upo sa daliwang balikat ng isang mamang may kalakihan naman ang katawan. Mahigpit ang hawak ko sa kanyang ulo sa takot nga na mahulog at mabasa ang aking damit at gamit. Nang tagumpay akong makasampa sa bangka, inabutan ko siya ng sampung piso. Magkano kaya ang kanilang kinikita sa isang araw? Sapat kaya ito sa kanilang pang-araw araw na gastusin?

Maliit lamang ang bangkang pampasahero. Kakaunti rin lamang kaming nakasakay, mas marami pa ang mga karton at sakong may laman ng mga pagkain at paninda. ‘Galing pa yan ng Divisoria!’ ika ng isang aleng katabi ko. Mas mura daw kasi ang mga paninda sa Divisoria at mas malapit pa ang Maynila kaysa Lucena, ang kapital ng probinsyang Quezon. Karamihan pala ng gamit at mga bilihin sa Panukulan ay nanggagaling sa Divisoria. ‘Subalit papaano kung masama ang panahon?’ ang tanong ko sa aking sarili.

Napansin ko na may videoke machine sa harap namin. Sa ibabaw nito nakalagay ang isang Sto. Niño. Maaaring ang videoke machine ang nagbibigay ng kaligayahan sa pagpapalaot at ang Sto. Niño ang nagbibigay ng kapanatagan ng loob. Napangiti ako. Hindi pa kami napapalayo ay lumakas na ang alon. Nagumpisa na rin ang kantahan. Tila hindi nila alintana ang hampas ng malalaking alon. Nakikanta na rin ako para maalis ang takot ko. Subalit tila lumakas pa lalo ang alon pagkatapos ng kanta ko. Hindi ko na lang sinundan pa ito.

Tanaw ko na ang bayan ng Panukulan mula sa sinasakyan naming bangkang pampasahero. May namumuo na ring grupo sa pantalan. Mayroon na ring mga traysikel at padyak ang nakaabang sa mga pasahero. Andun na rin ang aming sundo. ‘Magandang hapon po,’ ang bati ko kay Ate Marina, ang aming katiwala sa bahay. ‘Unang punta mo ba dine? Aba’y magugustuhan mo dito,’ ang tugon ni Ate Marina. Ngumiti ako at nagumpisang maglakad sa maliliit na kalsada na kasya lamang ang traysikel at padyak. Mabibilang daw sa darili ang traysikel sa Panukulan. Mahirap kasi ang pag-aangkat ng gasolina para dito at mahal na rin kasi ito. Imbes na gamitin sa pampasada ay mas maigi raw na gamitin na lamang ito sa mga bangkang pampangisda.

May inihandang tinapay at malamig na buko ang mga kasama namin sa bahay. Masarap ang buko dahil bagong kuha daw ito. Ang tinapay naman ay binili sa katabi naming Jolliboy. Wala pang kuryente, mamaya pang alas singko papaandarin ang generator ng bayan. ‘Mamaya pa ang kuryente kaya tahimik pa dito. Pero mamaya, mapapalaban ka sa kantahan.’ biro ni Ate Marina.

Ilan lamang si Ate Marina sa mga nakilala ko mula sa komunidad na baybayin ng Panukulan. Sa ilang ulit kong pagbalik sa Panukulan simula noong 2003 bilang isang mananaliksik ng Institute of Social Order[1], sari-saring kwento ang narinig ko tungkol sa pamumuhay ng mga tao na nakadepende sa Look ng Lamon. Ika nga ng mga tagaroon, nakaugnay ang mga buhay ng tao sa kalikasan at kasaganahan ng Look ng Lamon.

Doon nakilala ko ang katulad ni Mam Ailene, tubong Panukulan, na nakapag-aral ng kursong Edukasyon dito sa Maynila. Pinag-aral siya ng mga madre at nang magtapos ay bumalik sa Panukulan upang magturo naman sa mga mag-aaral sa elementarya. Kwento niya pa nga na sadyang mahirapang magturo lalo na sa bayang iyon, Ayon sa kanya, madalas na pumapasok ang mga mag-aaral na walang laman ang tiyan. Gustuhin niya man tumulong ay kakarampot naman daw ang kanyang kinikita. Subalit kung may sobra naman siya ay naghahanda siya ng kakanin para sa kanyang mga mag-aaral. Nakakalungkot nga raw dahil mayroong mga batang matitigas ang ulo. Gugustuhin pa daw nilang maghornal kaysa mag-aral. Mayroon ding pagkakataon na hindi na nakakapasok ang mga bata dahil nga tumutulong ito sa pangingisda. Nakakapanlumo nga naman ang mga ganun na kwento.

Naikwento rin ni Ate Marina ang kanilang karanasan ng paghuhuli ng mga suso sa dalampasigan. Ang tawag nila roon ay ‘tuwad tuwad’ dahil kailangan mong tumuwad upang makuha ang suso. Ginagawa lamang ito ng mga babae upang pandagdag ulam ng kanilang pamilya. Subalit sa pagbabago ng panahon nawala na ang mga suso at nawala na rin ang ‘tuwad tuwad’ na kinagisnan ni Ate Marina.

Nakilala ko rin si Kuya Willy, isang miyembrong Bantay Dagat, grupo na nagpapatupad ng Batas Pampangisdaan sa lugar. Ilang ulit na rin siyang pinagbantaan ng mga iligal na mangingisda dahil sa walang sawa niyang pagpapatupad ng batas. Noong nagkausap kami, nasabi niya na ginagawa niya lamang ang puspusang pagbabantay sa dagat dahil nakita niya rin ang paunti nang paunting huli ng mga mangingisda sa kanilang lugar. Kaya nga kahit may malubhang karamdaman, nito lamang mga unang buwan ng taon, pilit pa rin itong sumasama sa pagpapatrolya sa dagat.


Isa pang matingkad na karanasan ng mga taga-Panukulan ay ang malakas na bagyo noong 2005 (bagyong Reming) na nagdulot ng mudslide sa mga karatig bayan ng Real, Infanta at Gen. Nakar. Ilang lingo rin ang dumaan na walang nakapangisda at nagkasya na lamang sila sa mga natirang gulay na pananim. Nanawagan rin ng tulong ang kanilang mayor noon. Mahirap kasi ang pagpapadala ng mga relief goods dahil nga kinakailangan pa ng malalaki at matitibay na bangka upang marating ang bayan ng Panukulan.

Bagamat maraming pagsubok tila matatag at nananatiling buhay pa rin ang pamayanan doon. Tuloy pa rin ang pagpapainit ng mikropono ng videoke machine lalo na kapag piyesta ng bayan. Tuloy pa rin ang kanilang pananampalataya sa kanilang patron na si San Juan. Subalit kapansin pansin ang paglawak ng miyembro ng Iglesia ni Kristo dala na marahil na walang regular na pari ang nakatutok sa bayan. Ang huling pari ay nakapag-asawa ng isang tubong Panukulan. Karamihan din ang mga nakakapag-asawa ay mga bata pa lamang. Bagay na hindi ikinakatuwa ng mga magulang. Sa kabilang banda, tuloy pa rin ang kanilang pangingisda bagamat paunti ng paunti ang kanilang huling isda.

Mayaman ang karanasan ng mga taga-Panukulan lalong lalo na sa pagbibigay kahalagahan ng mga ito sa Look ng Lamon. Para sa kanila ang kasaysayan ng Panukulan ay nakabatay sa kasaysayan ng Look ng Lamon. Ang kanilang pagkabigo sa buhay o mga tagumpay ay hindi mailalayo sa karagatan.



[1] Higit na sampung taon nang nakikipagtulungan ang Institute of Social Order (ISO) sa lokal na pamahalan at mga organisasyon sa Panukulan upang magpatupad ng Community-Based Coastal Resource Management. Nais nitong palakasin ang kakayahan, kaalaman at kalikasan ng mga tao upang bantayan at pangalagaan ang likas yamang dagat.

Sabado, Agosto 25, 2007


Sa Piling ng Mga Mangingisda

Mangingisdang ipinanganak, nabuhay sa karagatan
Tubig at buhangin, mundong kinagisnan
Bangka at sagwan ang siyang naging kanlungan
Munting pangarap, maibsan ang kahirapan
Hagupit ng panahon, pinanday ng samahan
Pangamba ng gahaman, hinurno ang paninindigan
Sa karagatan nabuhay, sa laot haharapin ang kamatayan
Sa piling ng mangingisda, umusbong ang kamalayan
Sa ilalim ng dagat may natatagong kagandahan
Mayroong mundong dapat pangalagaan
Sa piling ng mga isda, naroon ang kabuhayan
Sa piling ng mga bahura, naroon ang kagandahan
Sa piling ng mga mangingisda naroon ang kaligayahan
Mayroong lakas at kapangyarihan
Na kailanman hindi matitinag ng kasakiman
Ang pinagbuklod na mangingisda sa kanayunan
Sa piling nila, nandoon ang hinahangad na kalayaan.

Ni pulang hantik
-Ika 25 ng Agosto 2007