Martes, Oktubre 9, 2007

Ang Kahalagahan ng Kamatayan sa Lipunang Pilipino

Nitong nakaraang linggo namatay ang aking tito, kapatid ng aking tatay. Hindi ko masyadong nakilala ang tito ko sapagkat lumaki na ako sa Naga City. Bagamat may pangilan-ngilan akong ala-ala tungkol sa kanya, ang sumama sa kanya na bumili sa palengke ng pagkain at paglakad sa kahabaan ng Aurora sa Cubao, liban doon ay wala na akong iba pang kwento. Subalit sa pangyayaring ito, nakita ko kung paano hinarap ng aming pamilya ang kamatayan ng isang kamag-anak. Lumuwas sa Maynila ang aking tatay mula sa Bicol. Lumuwas din ang aming mga kamag-anak, na doon ko rin lang naman nakita at nakilala, galing Ilocos Norte.

Maaaring mali ako, subalit naiisip ko na may mahalagang papel na ginagampanan ang lamay o burol. Maaaring ang mga ito ay nakakapagpalakas ng samahan ng isang pamilya at malalapit na kaibigan ng pamilya. Nakita ko na ito noong namatay ang nanay ng isa sa aking kaibigan at noong nakaraang taon ng mamatay naman ang aking lola. Ang pagdamay sa mga namatayan ay isang paraan ng pagsasabing andito lang ako, kung kailangan mo ako huwag kang mag-aatubili na magsabi. Ika pa nga ng isang kaibigan, “parang family reunion.” Anumang itawag dito, ang lamay at burol ay nakapagtatag ng samahan. Ang mga matagal nang hindi nagkikita ay muling nagkita, ang matagal nang hindi nag-uusap ay nagkakausap. Katulad na lamang ng mga pinsan ng aking tatay na sa gabing kami’y naglamay ay nagkamustahan at nagkakwentuhan ng mga pangyayari noong sila’y mga bata pa lamang. Minsan may mga kwentong mapapatungkol sa namatay kong tito at magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pero madalas malalakas na tawanan at biruan. Patunay na sa bawat pagharap sa kamatayan, may nabubuong relasyon na tumutulong upang umigpaw sa dalamhating nararamdaman sa tuwing may lumilisan.

Napansin ko rin na ang lamay at burol ay isang paraan din upang kilalanin at isagawa ang mga katutubong paniniwala o mga pamahiin. Akala ko noon na sa patuloy na pag-inog ng mundo, sa patuloy na pagtakbo ng kasaysayan ng Pilipinas patungo sa hinahangad nitong modernismo, hihina ang mga katutubong paniniwala, ang pamahiin halimbawa. Subalit mukhang mali ako. Sa tuwing mayroong patay, lumalabas ang mga pamahiin halimbawa bawal ang magsuklay, magsalamin at magdala ng mga pagkain galing sa lamay at burol. Bawal din ang maghatid ng mga bisita, bawal ang magpaalam. Sa pamilyang relihiyoso katulad ng pamilya ng tito ko, hindi ko lubos maisip na naniniwala din sila sa mga ganoong pamahiin. Sa tingin ko, mahalaga ang mga ito. Patunay ito na buhay ang mga paniniwala ng mga sinaunang Pilipino sa gitna ng maraming pagbabago sa ating lipunan. Ito ang mga kwentong may saysay sa atin sapagkat ito ang mga bagay na sa tingin ko ay ating pinahahalagahan. Kung hindi natin ito pinahahalagaan, disin sana ay kinalimutan na natin ang mga ito. Matingkad para sa akin ang mga punang ito dahil aking nararanasan at aking na-uunawaan ang mga ito.

Walang komento: