Martes, Oktubre 23, 2007

Tungo sa Isang Malayang Burma

Noong ika 19 ng Oktubre 2007, nakadalo ako sa isang pagpupulong na inihanda ng Alternative Lawyering Group. Nagkaroon ng bahaginan ang 15 kinatawan na nanggaling sa bansang Burma tungkol sa kanilang karanasan ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao ng military junta sa bansang iyon. Sa kanilang pagsasalaysay ng kanilang karanasan, lumabas ang matindi nilang paniniwala kay Aung San Suu Kyi bilang lehitimong lider ng oposisyon at ng kilusang pangdemokratiko sa Burma. Ang nakakalungkot sadyang mapaniil ang mga lider heneral ng kasalukuyang pamahalaan ng Burma sapagkat sa mahabang panahon nananatiling bilanggo si Aung San Suu Kyi sa kanilang bahay. Higit pa doon, isinalaysay din nila kung paano umiimbento ng mga kwento ang pamahalaan tungkol sa tunay na nangyayari sa loob ng bansa. Kung ganon, mas malalim ang suliraning kinakaharap ng mga taga Burma. Higit pa dito sa inaakalang puno’t dulo ng pag-aklas ng maraming mamamayan ng Burma: ang pagtaas ng presyo ng langis na sinasabing nagdulot ng malaking ‘discomfort in the minds of the poor’. Mayroon ring lumalabas na may pagkakawatak watak ang mga mamamayan dala na marahil ng matinding talaban ng mga iba’t ibang grupo sa bansa. Mas ipinaigting pa ang talabang ito ng iba’t ibang panawagan upang mabigyan ng solusyon ang kasalukuyang suliranin ng Burma. May iba na nananawagan ng malayang halalan at mayroon namang nananawagan ng pagbabago sa kanilang Saligang Batas. Ang iba ay nagnanais na ipatupad ang tinatawag nilang ‘7 Steps to Democracy’ samantalang ang iba ay nag-uudyok na makialam na ang United Nations at ibang maimpluwensiyang bansa. Sa huli, lumitaw na dahil sa masalimuot na suliraning ito, marami sa mga taga Burma ang nawawalan na ng pag-asang makalaya ang bansa sa kamay ng military junta. Hindi ko lubos maiwasan na ihambing ang Burma sa Pilipinas noong panahon ng Martial Law sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Subalit kung susuriin, mayroon silang bagay na wala pa tayong mga Pilipino. Napansin ko kasi na gagap nila ang kanilang sariling wika. Maalam din ang karamihan sa kanila tungkol sa kanilang kasaysayan. Mismong petsa at araw ng mga mahahalagang bagay ay alam nila. Napansin ko na habang isinasalaysay nila ang kanilang kwento bilang isang bayan, mayroong pagmamalaki at pagyayabang. Bagay na aking kina-ingitan. Ang mga magigiting na taga-Burma ay nagsasalaysay ng kanilang karanasan gamit ang kanilang wika. Kinakailangan pang isalin ito sa wikang Ingles ng ilan sa kanilang mga kasama na may kaunting nalalaman sa wikang Ingles. Para sa akin, ang paggamit ng sariling wika upang isalaysay ang kwento ng isang bansa ay patungo sa pagbubuo ng isang malayang bayan. Ipinakita ito ng mga taga-Burma. Marahil magandang dito sila mag-umpisa. Ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang mayamang kasaysayan ay umpisa ng pag-gising at pagmulat ng kamalayan ng buong bayan. Maaaring ito rin ang magsilbing mitsa upang maka-igpaw sa tanikalang gawa ng mga lider heneral. Bunga lamang ito ng aking pagmumuni-muni. Subalit naniniwala ako na ang susi sa kanilang tagumpay ay nasa kamay ng mga mamamayan ng Burma. Wala ito sa United Nations. Wala rin ito sa mga pilit na naghihimasok at nag-aastang sila ang makakasagot sa suliranin ng Burma. Nasa kamay ito ng mga mamamayan na matagal nang nagmamasid at inuunawa ang kanilang kalagayan. Mula sa kanila, uusbong ang isang malayang Burma na naaayon sa kanilang sariling pamantayan ng kung ano ang mahalaga at nakakabuti para sa kanila.

Walang komento: