Lunes, Oktubre 27, 2008

Isang Maikling Reaksyon sa Isang Mahabang Pelikula ni Lav Diaz

Melancholia. Maaga pa lamang ay nasa sinehan na ako ng Gateway Mall para sa tampok na pelikula ng Cinemanila ngayong 2008. Bitbit ang aking baon na 2 cheeseburgers at 1 litro ng C2, Masaya akong bumili ng tiket bagamat may kamahalan. Php301 pesos ang tiket pero ano ba naman ito kumpara sa natatangi at kaisa-isang public viewing ng pelikula ni Lav Diaz na nanalo ng Orizzonti Prize sa Venice Film Festival. Dapat nag-umpisa ang pelikula ng 12 ng tanghali subalit nagkaroon ng aberya. Mag aalas dos na nang malaman namin na mayroong teknikal na problema. Digital kasi ang pelikula at mukhang hindi mabasa ng DVD player ang unang bahagi ng 9 na oras na pelikula ni Direktor Diaz. Nagpaumanhin ang mga namamahala at sinabing sisimulan ang pagpapalabas sa ikalawang bahagi na ng pelikula. Bagay na hindi naman ikinatuwa ng ilang nagtangkilik. May ilan din namang humingi ng refund. Binalak ko rin sanang mag-refund buti na lamang at nanaig pa rin ang aking kagustuhang mapanood ang pelikula. Hindi naman kami binigo dahil sa kahulihan, ipinalabas pa rin ang unang bahagi ng pelikula. Sa aking akala, mukhang ayaw lang talagang ipalabas ng namamahala sa Gateway dahil sa ilang eksenang mainit na pagtatalik ng babae at lalaki. Napakiusapan na lang siguro ng ilang tao na higit sa eksena ay ang mensahe na ipinapakita ng pelikula. At higit sa lahat, mas mahalaga ang pelikulang ito kaysa sa mga pelikulang High School Musical at Body of Lies na kasabay na ipinalabas. Malalim ang kwento. Madilim. Malungkot.

Melancholia. Tungkol ito sa 3 magkakaibigan na sina Rina, Julian at Alberta na pawang nakikipagsapalaran sa gulong ng palad bilang mga naghahanap sa kani-kanilang minamahal na mga desaparecidos. Dahil sa labis na kalungkutan at pangungulila, dumaan sa proseso ng paglubog o immersion ang kani-kanilang personahe. Kakaiba ang immersion nila sapagkat nagpapanggap sila sa isang lugar na walang makakakilala sa kanila. Kaya si Rina, isang nangungulilang asawa, ay nagpanggap na madre na namamalimos para sa mahihirap. Si Julian, isang manunulat at publisher, ay nagpanggap bilang isang bugaw. Si Alberta naman, isang prinsipal ng pampublikong paaralan, ay nagpanggap bilang isang puta. Sa Sagada nila napagpasiyahang gawin ang kanilang paglubog, ang Sagada na kilala bilang isang lugar ng pagpapagaling ng mga pagal na katawan at kaluluwa. Ang mga katauhan nina Rina, Julian at Alberta ay larawan ng lahat ng nagdadalamhati, nangungulila at nagmamahal na mga kaibigan, asawa, kapuso at kapamilya ng mga desaparecidos. Subalit inilalarawan din nila ang kinahitnan ng isang bayang sawi. Isang baying patuloy na nangangapa, nagagalit, nababaliw at naghahanap ng katahimikan sa dilim.

Melancholia. Tungkol ito sa atin. Sa mga madre, pari, burgis, mahirap, mayaman, mangmang, may pinag-aralan, babae, lalaki, tomboy, bakla, bata, matanda, rebolusyonaryo. Tungkol ito sa pamamayagpag, pagbagsak, tagumpay, pagkatalo. Tungkol ito sa sari-saring emosyon ng isang bayan na naghahanap ng pagkakakilanlan. Katulad ng mga tauhan, kailangan ng ating bayan na harapin ang nakaraan, tuligsain ang mapaniil na nakagawian at hayaang maghilom ang sugat na gawa ng karahasan ng kasaysayan. Katulad ng pangwakas na tagpo ng pelikula, naghahanap pa rin tayo ng pagkakakilanlan. Ayaw pa rin nating tanggapin ang nakaraan. Ayaw pa rin nating tanggapin na tayo ay si Julian.

Melancholia. Inaaanyayahan tayong mag-isip, magmuni muni kung baga tungkol sa ating nararamdamang kalungkutan.Inaanyayahan tayong tuminigin sa ating sariling kahinaan, mga pighati at karupukan. Ika nga ng isang karakter sa pelikula, ang kasiyahan ay isa lamang konsepto. Sa katunayan, araw araw pilit tayong kumakalawa sa kalungkutan na bumabalot sa atin. May katapusan ba ang kalungkutan? Ayon sa pelikula, wala. Para sa akin, wala.

Melancholia.

Sabado, Setyembre 20, 2008

Ganito Kami Noon

Lumaki ako sa probinsya. Hindi ko ito ikinahihiya. Tubong-Bikol ako, ika nga ‘oragon’. Hindi pa uso noon ang cellphone. Naalala ko nga, minsan din kaming nahumaling sa mga radio transmittor upang makapag-usap ng mga kaibigan ko. Wala pa rin naman noong internet, pero may kompyuter na. Subalit karamihan pa rin sa amin ay gumagamit ng makinilya para sa aming assignments. Wala pang Jollibee o Mcdonalds noon. Meron pa lamang ay Bigg’s Diner, Graceland at Moderna. Aaminin ko isa ako sa mga tagahanga noon ni Lito Lapid. Bagamt nanonood din ako ng mga pelikula nina Arnold Swazenneger (tama ba ang spelling nito) at ni Sylvester Stallone, mas gusto ko ang postura ni Lito Lapid. Double screening pa ang mga sinehan noon sa Naga. Mayroong Emily Theater, Bichara Theater, Vic Theater, Alex Theater, at marami pang iba. Ngayon ang dalawang nauna na lamang ang natitira. Marami ring mga simbahan. Andyan ang Naga Cathedral, Basilica, San Francisco Church at Peñafrancia Church. Bukod dito mayroong mga kapilya ang halos lahat ng barangay. Naaalala ko na dinig na dinig namin ang kalembang ng kampana ng kapilya sa Brgy. Dayangdang tuwing Sabado at Linggo. Mayroon ding public library sa itaas ng isang building ng bangko. Subalit sa unang tingin mo pa lamang ay parang hindi library dahil bukod sa luma na ang mga libro ay mainit at maalinsangan pa. Ngayon, state of the art na ata ang library na ipinangalan pa kay yumaong Senador Raul Roco (na ayon sa marami, ang ‘The best president we never had’). Marami ring plaza. May plaza sa Barlin Street, kung saan naroon ang rebulto ni P. Jorge Barlin. Mayroon ding Quince Martires at ang malaking plaza sa gitna ng syudad (ano nga ba ang pangalan noon?). Naalala ko mayroon pang malalaking piyesa ng chess kung saan maaari kayong maglaro. Mayroon ding lugar kung saan may nangyayaring debate na karamihan ay mga matatanda. Masarap panuorin at pakinggan habang nag-uusap sila ng kung ano-anong bagay, mapa-pulitika man o mapa-ordinaryong bagay. Mayroon ding malaking telebisyon na kung saan tuwing mahal na araw ay nagpapalabas ng mga senakulo. Mayroon ding mga resort at swimming pools. Mayroong Carolina Resort, Peñafrancia Resort at Civic Center. Madalas kami ng pamilya ko sa huli kasi malapit dati ito sa aming tirahan. Madalas kaming magnight-swimming doon.

Katulad din ng maraming kabataan noon, nahumaling din ako sa iba’t ibang laro. Sari-sari ang mga ito, mapaholen man, text o shato. Sa paaralan, naglalaro ako ng basketball, chess at patintero. Ang hindi ko lamang nalaro ay yung karate base. Ewan ko kung sino ang nag-imbento nuon. Hybrid siya ng agawan base na laro na sa halip na tatayain mo ang kalaban sa pamamagitan ng pagdampi ng kamay sa katawan ay magsisipaan kayo. Marahil natakot akong masaktan noon.

Hindi ko na alam kung ano na ang itsura ng bayang nakagisnan ko noon. Hindi na kasi ako madalas makauwi sa amin dala ng maraming trabaho dito sa Maynila. Huling punta ko sa amin, napansin ko na marami nang nagbago. Marami na ang naglitawang ukay-ukay, mga nagbebenta ng pirated CDs at DVDs at may traffic na rin! Marami na ring mga hotel at motel. May mga naglipana na ring nagbebenta ng panandaliang aliw. Mayroon na ring mga maliliit na malls at mayroon na ring SM na tinatayo. Sa ngayon, hindi ko na kilala ang bayang kinalakihan ko. Ako kaya, kilala kaya ako ng bayan ko?

Miyerkules, Agosto 6, 2008

KUNG BAKIT TAHIMIK ANG MGA MAKA-KALIKASAN SA ISYU NG PAGDAMI NG POPULASYON

Bakit nga ba tahimik ang mga maka-kalikasan (environmentalists) sa isyu ng paglobo ng populasyon? Hindi ba na isa sa mga dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay sanhi ng walang pakundangang pag-gamit ng tao? Kaya nga sa pagdami ng gumagamit nito ay lumalala ang kundisyon ng kalikasan. Halimbawa na lamang ay ang mga nangyayari sa mga pamayanan sa baybayin na kung saan lumalaki ang bilang ng mga taong nakikinabang sa likas yamang dagat. Subalit sa pagdami ng mga tao sa mga pamayanang ito ay kaakibat ang pag-igting ng kumpetisyon sa pag-gamit ng pangisdaan. Kaya sa huli, dumarami ang bilang ng mga mangingisda at mga umaasa sa pangisdaan samantalang ang ekosistema ay nananatiling malubha ang karamdaman. Dagdag pa dito, ang mga bakawanan ay patuloy na nasisira sanhi ng pangangailangan sa pabahay at palupa para sa mga mangingisda sampu ng mga kaanak nito. Sa kalunsuran naman, hindi na tayo nagugulat sa tambak tambak na basura sa ating kapaligiran. Nakailang beses na ring nanawagan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Rizal na hindi na nito kayang kunin ang basura sa Maynila dahil mapupuno na ang tambakan ng basura sa kanila. Normal na rin ang mga basurang nakalutang ss mga estero at ilog. Normal na rin makalanghap ng usok na dala ng mga pabrika at sasakyan. Normal na rin ang mga nagsisiksikang bahay magin man sa Makati, kung saan hindi mo inaakalang mayroon pa ring mga dikit dikit na barong-barong, naliligo sa kalye, nag-iinuman, namamalimos…

Nasaan na ang mga environmentalists sa usapang may kinalaman sa pagdami ng populasyon? Natatakot nga ba sila sa parusa ng Simbahan? Na baka dumating ang panahon ay hindi na sila makapagkomunyon o makapagpakasal sa simbahang nais nila? Nasaan ang ang environmentalists habang pinag-uusapan ang isa sa mga kritikal na usapin na nagpapalala sa kundisyon ng ating kalikasan? Magparamdam naman sana sila…