Lunes, Mayo 26, 2008

Ayaw Kasi ni Papa ng Iyakin

Mag-iisang buwan na noong mamatay ang aking ama dala ng sakit sa baga. Chain-smoker kasi, nag-umpisa sa Hope, Marlboro hanggang mapunta sa Winston lights. Subalit hindi ako magsusulat tungkol sa kanya o kaya tungkol sa samahan namin bilang mag-ama. Ayaw niya ng sentimental, ni ayaw niya nga magpaburol kasi ayaw niya ng iyakan.

Kaya nga hindi ako magsusulat tungkol sa kanya kundi magsusulat ako tungkol sa karanasan ko sa ating mga pamahiin kapag mayroong namatay. Napapatawa na lamang ako sa ilang mga bagay na pinaniniwalaan pa rin sa aming bayan sa Naga City, na kung tutuusin ay isang siyudad na. Alam ko na ang ilang pamahiin kapag mayroong namamayapa sa atin. Noong maimbitahan kami ng isang kaibigan dahil namatay ang kanyang kamag-anak, kapansin pansin na naglalaan pa rin ng upuan at pagkain ang namatay. Tanda ito ng pagkilala na nananatili pa rin ang kaluluwa ng namatay sa mundo, hindi sila kaagad agad pumupunta sa kung saan man sila dapat pumunta. Ang nakakatuwa pa rito, ang aming kaibigan ay mula sa mayaman at maimpluwensiyang pamilya sa malayong probinsiya sa Hilagang Luzon. Patunay na ang pamahiin ay buhay pa rin, mayaman man o mahirap.

Noong namatay ang aking ama, pinagsabihan kami ng aming ina na iwasang tumulo ang aming luha sa kabaong. Magiging mabigat daw kasi ang pagkamatay sa aming ama pati na rin sa amin. Lubos na pinag-isipan ko tuloy ito sapagkat tumulo ang aking luha sa kabaong ni papa, hindi ko na lamang isinabi ito sa aking ina. Sa payo ng ilang matatanda, sinunod din namin ang pamahiin na kailangan maghugas ng paa bago pumasok sa bahay pagkatapos ng libing. Hindi ko lubos maunawaan ang dahilan nito. At ayoko na ring mag-isip ng kapanahunang iyon.

Isa pang pamahiin na aking ikinagugulat ay ang ipinayo sa aking ina na magkulong muna ng 3 araw sa kwarto at iwasang kausapin ang mga kapatid kong may-asawa. Sabi ng matatanda, baka raw maging balo rin ang mga kapatid ko. Kaya nga ako na lamang ang ipinasama sa aking ina sa kwarto dahil ako na lamang ang walang asawa sa aming magkakapatid. Sa loob-loob ko lang, nabalo na nga ang aking ina, kukulungin pa ng 3 araw sa kwarto. Parusa ba ito? Ewan ko.

Pamilyar din tayo sa pa-siyam. Subalit laking gulat ko pa rin nang sinabi ng nagdarasal na gumuhit ng bungo sa telang itim na inilagagay namin sa mesa na may larawan ni papa. Dito hindi ko na napigilan ang sarili ko, tinanong ko ang nagdarasal kung bakit kailangan pa nito. Sabi niya lamang, ‘iyan ang pamahiin natin eh.’ Pabirong sabi nga kapatid kong lalaki ‘nabanggit naman natin na Katoliko tayo, di ba?’

Buhay na buhay ang mga sinaunang paniniwala at pamahiin ng mga Pilipino bagamat marami na ring nagbago sa ating lipunan. Minsan nakakairita subalit para sa iba mahalaga ang ipagpatuloy ang mga paniniwalang naging gabay at gawi ng ating mga ninuno noon. Wala namang mawawala sa atin kung ating susundin. Subalit ang higit na mahalaga para sa akin ay ang mataimtim na paggunita sa mga namayapang kamag-anak at malapit sa puso natin. Sa bandang ito, titigil na ako. Ayaw kasi ni papa ng iyakan.