Huwebes, Abril 3, 2008

ANG KRISIS SA BIGAS AT ANG KRISIS SA PAGKAIN

Hindi ko lubos maunawaan nang mabasa ko sa mga pambansang pahayagan na umaangkat pala tayo ng ilang libong toneladang bigas galing sa mga karatig nating bansa katulad ng Vietnam. Higit pa ang aking pagkagitla nang mabasa ko na matagal na rin pala tayong umaangkat ng bigas. Subalit ngayon lamang natin napansin kasi nga sa nakaambang krisis ng bigas sa buong daigdig. Marami ang mga naging paliwanag ditto. Unang-una, lumaki na daw ang bilang ng mamamayan na nagkaroon ng kakayahang bumili ng bigas. Marahil dala ito ng natamasang pag-angat sa buhay. Pangalawa, sadyang bumaba ang produksyon ng bigas kaya nagkaroon ng pagbaba sa suplay. Marahil dala ito ng pagbabago sa klima na kung saan ang dating mga lupang umaani ng masagana ay nagiging tuyot na at hindi na kapaki-pakinabang. Sa Pilipinas, dumaragdag pa sa suliranin ng pagbabago sa klima ang walang pakundangang pagdeklara ng mga lupang pambukid bilang lugar pang-industriya.

Subalit ang nakakapagkataka bakit hindi umaamin ang ating pamahalaan na may krisis nga sa bigas. Kung malinaw pa sa tubig na may nakaambang na suliraning ganito kalaki, bakit hindi pa tayo umamin at masimulan na ang mga karampatang hakbangin upang matugunan ang problema? Naalala ko tuloy na ganitong ganito rin ang problema pagdating sa usaping pagkasira ng likas yamang dagat sa ating bansa. Dahil sa hindi na maganda ang kalagayan ng halos lahat na pangunahing lugar pangisdaan sa Pilipinas, kumukunti na ang nahuhuling isda ng mga magigiting nating namamalakaya. Katulad ng krisis sa bigas, marami na ring mga siyentipikong pag-aaral tungkol sa kalagayan ng ating pangisdaan na nagsasabing naabot na ng kasalukuyang panginigsda ang sukdulan. Kapag ipinagpatuloy pa ang kasalukuyang pangingisda, malamang wala nang isdang makakain ang mga susunod na henerasyon.

Sa kasamaang palad, hindi matanggap ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa pagtugon sa mga usaping may kinalamanan sa pangisdaan. Bagamat mismong mga eksperto na nila ang nagsasabi na may krisis sa pangisdaan, tila bagang walang narinig o nakita ang BFAR. Nangangamba kaya sila na kapag idineklara nilang may krisis sa pangisdaan ay mayroong masamang epekto ito sa ating pangangalakal ng mga pangunahing produkto ng dagat katulad ng hipon, seaweeds at iba pa? Subalit ano ba naman ang pag-amin na may suliranin. Malamang hindi nila alam ang kanilang gagawin sa harap ng nakaambang problema sa pangisdaan.

Ang krisis sa bigas at ang krisis sa pangisdaan ay nangangahulugang mayroon tayong problema sa pagkain sa hinaharap. At kung dumating man tayo sa puntong wala na talaga tayong makuhang pangtawid gutom dahil nga huli na ang lahat, hindi kaya mas malaking suliranin pa ito. Hindi ba habang may panahon pa ay matanggap natin ang ating mga pagkakamali at matugunan ang problema… na imbes na mag-angkat ng bigas ay disin sana ay mas ipina-unlad pa natin ang mga sakahan at bukirin… na imbes na panandaliang magkamal ng dolyar galing sa mga produktong ating ibenebenta sa ibang bansa ay protektahan at pagyamanin natin ang mga natitirang lugar pangisdaan sa bansa. Sana ay magising na tayo sa katotohanan, may krisis sa pagkain… may krisis sa bigas… may krisis sa pangisdaan.