Martes, Enero 20, 2009
May Pag-Asa Pa Ba Ang Mahihirap?
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Minsan na naming napag-usapan ng malaliman ang kahirapan. Dala marahil nang aming pakikisalamuha sa ating mga kababayang mangingisda, na itinuturing na pinakamahirap sa lahat ng batayang sektor sa ating lipunan. Nais naming magkaroon ng isang burador para maunawaan at sa huli ay masugpo ang puno’t dulo ng malawakang kahirapan hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Subalit walang handang kasagutan.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? May ilan sa amin na naniniwalang wala nang pag-asa ang mga mahihirap. Sa dami ng proyekto at pondong ibinato upang paunlarin ang kabuhayan ng mga mahihirap sa Pilipinas, maging proyekto man ito ng gobyerno o ng non-government organizations, kakaunti o walang pagbabago sa kundisyon ng mga mahihirap na sektor. Naghihikahos pa rin ang mga magsasaka sa lupang kanilang sinasaka na hindi naman nila pagmamay-ari. Wala pa ring asenso ang maralitang taga-lunsod dahil sa kawalan sa katiyakan sa trabaho. Nangangamba pa rin ang mga mangagawa baka sa makalawa ay magsara na ang pabrikang kanilang pinapasukan. Nagiging kuba na ang mga kababaihan na hindi lamang nag-aalaga ng kanilang mga anak kundi naghahanap pa rin ng dagdag kita para makatulong sa asawa.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Marami sa amin ang nagsasabing ang ugat ng kahirapan ay ang kultura ng Pilipino. Imbes na magtipid at mag-impok ay labis ang paglustay ng pera tuwing kaarawan ni bunso o piyesta ng bayan. Imbes na maghanap ng trabaho ay ayon at nakaupo sa sugalan at inuman. Imbes na dagdagan ang sipag at tyaga ay nandun at nakatihaya.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Nakakapangamba ang tanong lalo na at nangagaling ito sa mga kasama at kaibigang matagal nang nasa NGO. Nakakatakot ang tanong dahil nangagaling ito sa mga taong matagal nang tumutulong sa mga mahihirap. Ang mawalan ng pag-asa sa mga tao na magbago ay isang indikasyon ng kawalan ng paniniwala sa kung bakit tayo naririto, nakikisalamuha at pilit na nagbabago ng sistema ng lipunan. Totoong mahirap sugpuin ang kahirapan, subalit naniniwala pa rin ako sa kakayahan ng mga tao, ng mga Pilipino na magbago.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Oo, may pag-asa pa tayo.
Lunes, Oktubre 27, 2008
Isang Maikling Reaksyon sa Isang Mahabang Pelikula ni Lav Diaz
Melancholia. Tungkol ito sa 3 magkakaibigan na sina Rina, Julian at Alberta na pawang nakikipagsapalaran sa gulong ng palad bilang mga naghahanap sa kani-kanilang minamahal na mga desaparecidos. Dahil sa labis na kalungkutan at pangungulila, dumaan sa proseso ng paglubog o immersion ang kani-kanilang personahe. Kakaiba ang immersion nila sapagkat nagpapanggap sila sa isang lugar na walang makakakilala sa kanila. Kaya si Rina, isang nangungulilang asawa, ay nagpanggap na madre na namamalimos para sa mahihirap. Si Julian, isang manunulat at publisher, ay nagpanggap bilang isang bugaw. Si Alberta naman, isang prinsipal ng pampublikong paaralan, ay nagpanggap bilang isang puta. Sa Sagada nila napagpasiyahang gawin ang kanilang paglubog, ang Sagada na kilala bilang isang lugar ng pagpapagaling ng mga pagal na katawan at kaluluwa. Ang mga katauhan nina Rina, Julian at Alberta ay larawan ng lahat ng nagdadalamhati, nangungulila at nagmamahal na mga kaibigan, asawa, kapuso at kapamilya ng mga desaparecidos. Subalit inilalarawan din nila ang kinahitnan ng isang bayang sawi. Isang baying patuloy na nangangapa, nagagalit, nababaliw at naghahanap ng katahimikan sa dilim.
Melancholia. Tungkol ito sa atin. Sa mga madre, pari, burgis, mahirap, mayaman, mangmang, may pinag-aralan, babae, lalaki, tomboy, bakla, bata, matanda, rebolusyonaryo. Tungkol ito sa pamamayagpag, pagbagsak, tagumpay, pagkatalo. Tungkol ito sa sari-saring emosyon ng isang bayan na naghahanap ng pagkakakilanlan. Katulad ng mga tauhan, kailangan ng ating bayan na harapin ang nakaraan, tuligsain ang mapaniil na nakagawian at hayaang maghilom ang sugat na gawa ng karahasan ng kasaysayan. Katulad ng pangwakas na tagpo ng pelikula, naghahanap pa rin tayo ng pagkakakilanlan. Ayaw pa rin nating tanggapin ang nakaraan. Ayaw pa rin nating tanggapin na tayo ay si Julian.
Melancholia. Inaaanyayahan tayong mag-isip, magmuni muni kung baga tungkol sa ating nararamdamang kalungkutan.Inaanyayahan tayong tuminigin sa ating sariling kahinaan, mga pighati at karupukan. Ika nga ng isang karakter sa pelikula, ang kasiyahan ay isa lamang konsepto. Sa katunayan, araw araw pilit tayong kumakalawa sa kalungkutan na bumabalot sa atin. May katapusan ba ang kalungkutan? Ayon sa pelikula, wala. Para sa akin, wala.
Melancholia.
Sabado, Setyembre 20, 2008
Ganito Kami Noon
Lumaki ako sa probinsya. Hindi ko ito ikinahihiya. Tubong-Bikol ako, ika nga ‘oragon’. Hindi pa uso noon ang cellphone. Naalala ko nga, minsan din kaming nahumaling sa mga radio transmittor upang makapag-usap ng mga kaibigan ko. Wala pa rin naman noong internet, pero may kompyuter na. Subalit karamihan pa rin sa amin ay gumagamit ng makinilya para sa aming assignments. Wala pang Jollibee o Mcdonalds noon. Meron pa lamang ay Bigg’s Diner,
Katulad din ng maraming kabataan noon, nahumaling din ako sa iba’t ibang laro. Sari-sari ang mga ito, mapaholen man, text o shato. Sa paaralan, naglalaro ako ng basketball, chess at patintero. Ang hindi ko lamang nalaro ay yung karate base. Ewan ko kung sino ang nag-imbento nuon. Hybrid siya ng agawan base na laro na sa halip na tatayain mo ang kalaban sa pamamagitan ng pagdampi ng kamay sa katawan ay magsisipaan kayo. Marahil natakot akong masaktan noon.
Hindi ko na alam kung ano na ang itsura ng bayang nakagisnan ko noon. Hindi na kasi ako madalas makauwi sa amin dala ng maraming trabaho dito sa Maynila. Huling punta ko sa amin, napansin ko na marami nang nagbago. Marami na ang naglitawang ukay-ukay, mga nagbebenta ng pirated CDs at DVDs at may traffic na rin! Marami na ring mga hotel at motel. May mga naglipana na ring nagbebenta ng panandaliang aliw. Mayroon na ring mga maliliit na malls at mayroon na ring SM na tinatayo. Sa ngayon, hindi ko na kilala ang bayang kinalakihan ko. Ako kaya, kilala kaya ako ng bayan ko?