Martes, Enero 20, 2009

May Pag-Asa Pa Ba Ang Mahihirap?

May pag-asa pa ba ang mga mahihirap? Madalas ko itong marinig sa ilan sa aking mga kaibigan at kasama sa trabaho. Puno ng kahulugan ang mahirap na tanong na ito. Subalit wala namang handang kasagutan, maging ang manunulat na si Jeffrey Sachs, na matagal nang pinag-aaralan ang kahirapan. Maging ang batikang aktres ng Hollywood na si Angelina Jolie ay minsan nang nakasama si G. Sachs upang makita ang mukha ng kahirapan sa Aprika ay walang handang kasagutan. Ang nagawa lamang nila ay ang makiramay sa mga taong matagal nang nabubuhay ng isang kahig isang tuka.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Minsan na naming napag-usapan ng malaliman ang kahirapan. Dala marahil nang aming pakikisalamuha sa ating mga kababayang mangingisda, na itinuturing na pinakamahirap sa lahat ng batayang sektor sa ating lipunan. Nais naming magkaroon ng isang burador para maunawaan at sa huli ay masugpo ang puno’t dulo ng malawakang kahirapan hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Subalit walang handang kasagutan.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? May ilan sa amin na naniniwalang wala nang pag-asa ang mga mahihirap. Sa dami ng proyekto at pondong ibinato upang paunlarin ang kabuhayan ng mga mahihirap sa Pilipinas, maging proyekto man ito ng gobyerno o ng non-government organizations, kakaunti o walang pagbabago sa kundisyon ng mga mahihirap na sektor. Naghihikahos pa rin ang mga magsasaka sa lupang kanilang sinasaka na hindi naman nila pagmamay-ari. Wala pa ring asenso ang maralitang taga-lunsod dahil sa kawalan sa katiyakan sa trabaho. Nangangamba pa rin ang mga mangagawa baka sa makalawa ay magsara na ang pabrikang kanilang pinapasukan. Nagiging kuba na ang mga kababaihan na hindi lamang nag-aalaga ng kanilang mga anak kundi naghahanap pa rin ng dagdag kita para makatulong sa asawa.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Marami sa amin ang nagsasabing ang ugat ng kahirapan ay ang kultura ng Pilipino. Imbes na magtipid at mag-impok ay labis ang paglustay ng pera tuwing kaarawan ni bunso o piyesta ng bayan. Imbes na maghanap ng trabaho ay ayon at nakaupo sa sugalan at inuman. Imbes na dagdagan ang sipag at tyaga ay nandun at nakatihaya.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Nakakapangamba ang tanong lalo na at nangagaling ito sa mga kasama at kaibigang matagal nang nasa NGO. Nakakatakot ang tanong dahil nangagaling ito sa mga taong matagal nang tumutulong sa mga mahihirap. Ang mawalan ng pag-asa sa mga tao na magbago ay isang indikasyon ng kawalan ng paniniwala sa kung bakit tayo naririto, nakikisalamuha at pilit na nagbabago ng sistema ng lipunan. Totoong mahirap sugpuin ang kahirapan, subalit naniniwala pa rin ako sa kakayahan ng mga tao, ng mga Pilipino na magbago.
May pag-asa pa ba ang mahihirap? Oo, may pag-asa pa tayo.

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Your stylе is геally unique in comparison to other folks I've read stuff from. I appreciate you for posting when you've
got the oppoгtunіty, Guess I will just bоokmark this
page.

Feel fгее to νiѕit my web pagе ::
die Abnehm Lösung