Biyernes, Disyembre 28, 2007

Ang Mag-anak na Pilipino at ang Migrasyon

Isang kalunos lunos na pangyayari ang aking nakita sa telebisyon. Ito ay nangyari sa isang bayan ng Laguna. Ayon sa balita, napatay ng isang lalaki ang kanyang asawa na kakauwi lamang galing abroad. Masaya sana ang pasko ng magpamilya dahil kakauwi lamang ng babae sa Pilipinas makalipas ang maraming taong paghahanap-buhay sa ibang bansa. Subalit isang gabi nagkasagutan ang mag-asawa. Nagkasigawan ang mag-asawa at naging tampok sa kanilang pag-aaway ang hinaing ng babae na kinakailangan niyang magtiis sa ibang bansa upang magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mag-anak. Nagdilim ang paningin ng lalaki ng sumbatan siya ng kanyang asawa.

Ilang pamilyang Pilipino kaya ang nakakaranas ng ganitong talaban. Ilang relasyon kaya ang pilit na pinaglalayo dahil sa kahirapan. Ilang bata kaya ang nangungulila sa kanilang mga magulang. Sa amin sa Naga, mahigit sa 50 porsyento na naninirahan sa aming kalye ay may kamag-anak na naghahanapbuhay sa ibang bansa. Sa isang sambahayan, kakauwi lamang ng isang ina galing sa bansang Hapon. Subalit pansin ko ang pag-aalinlangan ng mga bata sa kanilang hindi nakagisnang ina. Pansin ko rin ang pag-aalinlangan ng asawang lalaki na namamasada ng jeep. Kakaiba ang nagiging epekto ng migrasyon sa tradisyunal na pagkakakilala natin sa mag-anak. Maaaring hindi pa ito suliranin sa ngayon subalit may mga palatandaan na binabago nito ang relasyon ng miyembro ng mag-anak sa isa't isa. Saan kaya tayo mag-uumpisa kung ating nais maunawaan ang pangyayaring ito? Ito ba ay isang polisiya ng ating pamahalaan na bagamat nakakatulong upang palakasin ang piso kumpara sa dolyar ay hindi naman maganda ang naidudulot sa mag-anak. Ito ba ay isang coping mechanism ng mag-anak sa lumalalang problema ng kahirapan? Ito ba ay isang pagbabadya ng panahon ng isang globalized Pinoy? Maraming katanungan subalit kakaunti pa lamang ang kasagutan.

Linggo, Disyembre 9, 2007

Para sa mga Magsasaka ng Sumilao

Dumalo ako sa isang misa sa ‘Church of Gesu’ sa loob ng Pamantasan ng Ateneo de Manila noong ika-5 ng Disyembre hindi para mangumpisal kundi makiisa sa mga ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon. Mahigit 144 na ektarya ang kanilang ipinaglalabang lupa at ang tindi ng galit ay dinaan nila sa paglalakad mula Bukidnon hanggang Maynila upang ipakita sa mga tao lalong lalo na sa kasalukuyang pamahalaan ang kawalan ng hustisya sa bansa. Katulad ni Cardinal Gaudencio Rosales na siyang nag-alay ng misa para sa mga magsasaka, naantig ako sa ipinamalas na paninindigan ng mga magsasaka sa panahong tila bang wala nang pag-asa ang bansa. Napakaganda ng daloy ng nasabing misa sapagkat ginawa ito gamit ang wikang Bisaya, sa wikang lubos na nauunawaan ng mga magigiting na magsasaka. Ramdam na ramdam ko pati na rin ng mga naroon ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga mag-aaral, guro, mga pari at seminaristang Heswita, mga madre at mga ilang kasama sa NGO. Pagkapasok na pagkapasok pa lamang ng mga magsasaka ay sumambulat na ang palakpakan at hiyawan tanda ng pagdamay at papuri sa kanila.

Sa isang lipunang bugbog na sa maraming pagtataksil sa mga pangako ng kaginhawaan at pagbabago, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga kilusang katulad ng mga magsasaka ng Sumilao. Nagsisilbing panggising ito kung tayo ay nakakaidlip na magbantay sa mga kabuktutan ng pamahalaan o maging mga indibidwal. Kaya nga nakikitang ang ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Sumilao ay hindi lamang ang lupang inagaw sa kanila kundi simbolo rin ito ng laban para sa tunay na repormang agraryo. Magbulag-bulagan man ang ating pamahalaan, wala nang makakapigil sa pag-usbong ng inspirasyon na hatid ng mga magsasakang ito. Ilang magsasaka kaya ang kanilang naka-usap sa iba’t ibang lugar na kanilang dinaanan? Ilang bata kaya ang sila’y nasulyapan habang binabaybay ang kalsada sa gitna ng init at ulan? Ilang puso kaya ang naantig? Ilang isip kaya ang nagtanong? Ilang butil kaya ang naitanim upang sa kalaunan ay mag-umpisa ng panibagong kilusan na mas malakas at mas ganap?

Sa mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon… mabuhay kayo!!!! Ibilang niyo ako sa mga taong bagamat hindi ninyo nakausap ay naghahangad ng ganap na pagbabago.