Lunes, Pebrero 25, 2008

May Bagong Mukha ang Katipunan


Mahalaga ang naging ginampanan ng Katipunan sa ating kasaysayan. Ito ang nagsilbing binhi ng rebolusyon ng mga Pilipino laban sa mapaniil na pamahalaang Kastila. Tila bagang tayo ay ipinaaalalahanan ng makasaysayan Katipunan sa kasalukuyang sitwasyong ating kinasasadlakan. May kakaibang rebolusyon ang nangyayari sa Katipunan Avenue.

Sa ordinaryong araw, ang kahabaan ng Katipunan ay nagiging masikip dala ng mga sasakyan ng mga mag-aaral papasok at papalabas ng mga paaralan ng Pamantasan ng Pilipinas-Diliman, Miriam College at Pamantasan ng Ateneo de Manila. Makikita rin ang iba’t ibang kainan, inuman at mga opisina. Subalit sa kakaibang panahon, ang kahabaan ng Katipunan ay nagiging lugar ng pagsasaisa ng damdamin ng iba’t ibang uri ng tao, bata man o matanda, babae o lalaki, elitista o kapus palad. Nangyari na ito noong EDSA II kung saan ang mga mag-aaral, mga guro at ilang non-government organizations ang nagpasimuno na magkaroon ng noise barrage laban sa korupsyon ng pamahalaang Estrada. At sa ngayon, muli ginigising ng busina ng sasakyan, ng tambol ng drums, ng hiyaw ng mga mag-aaral at ng hiyaw ng mga aktibista, ang natutulog na damdamin ng Katipunan.

Sabay ng pagdiriwang ng EDSA I, ang kahabaan ng Katipunan muling naging tagpuan ng mga ideyang kumikiliti sa isipan at damdamin ng mga tao. Patuloy na lalakas ang hiyawan at sigawan hanggang makarating ito sa MalacaƱang at sumambulat sa mga naghahari-harian na marami pa rin sa mga Pilipino ang nagpapahalaga sa katotohanan, pagiging makabayan at naghahangad ng kasaganahan. Humanda ang mga naghahari-harian! Andito na ang Katipunan!

Sabado, Pebrero 16, 2008

Kung Hindi Ipinukol Hindi Bubukol

Kahanga hanga ang ipinakitang katatagan ng loob ni Jun Lozada sa pagbunyag ng kanyang nilalaman tungkol sa korupsyon sa pamahalaan partikular sa ZTE Broadband Scandal. Bagay na hindi na dapat ikinakagulat ng marami sa atin dahil matagal naman na nating alam na may mga nangyayaring kabulastugan sa karamihang transaksyon sa ilang mga ahensya ng pamahalaan. Ang akin lamang ipinagtataka ay kung bakit ang pagsasalita ni Lozada ay naging mainit na isyu. Hindi kaya dahil ito ay kinasasangkutan ng malaking pera na humigit kumulang na 300 milyong piso? Marahil kaya ito ay bunsod na rin ng ipinagsamang galit ng buong bayan sa pamamalakad ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo?

Ano man ang totoo, saan nga ba lulugar ang ordinaryong mamamayan sa bangayan at palitan ng kanya kanyang bersyon ng katotohanan ang magkabilang panig, ang mga galit kay PGMA at ang kanyang mga kaalyado? Kung tutuusin, hindi naman nararamdaman ang init ng bangayan sa mga malalayong probinsya bagamat naririnig at napapanuod ang anumang nangyayari sa Imperial Manila. Nang nasa kainitan ang pagdinig ng pasabog ni Lozada sa Senado ay nasa isang bayan ako ng lalawigan ng Quezon. Tila bagang nasa ibang mundo ako at iba ang nararamdaman at ipinahahalagahang isyu ng mga tao sa kanayunan. Ika nga ng isa kong kasama ‘Hindi sila maka-relate.’ Kung hindi man sila makasabay sa agos ng isyu sa Kalakhang Maynila, mayroon bang ibig ipahiwatig ito? Hindi kaya hindi natin nakikita ang ibang isyu na mas malapit sa mga ordinaryong mamamayan hindi lamang sa pag-aaway ng mga naghaharing elitista at nag-aastang elitista sa ating lipunan? Hindi kaya ang bersyon ng katotohanan na dapat natin paniwalaan ay ang sitwasyong mayroon tayong problema sa istruktura ng ating lipunan? Na ang isyu ay hindi lamang patungkol kung gaano kagarapal ang pamahalaan sa pagbibigay ng mga pabor sa malalapit nitong kamag-anak, kaibigan at kaalyado. Sa halip, tila nagbubulagbulagan tayo at ayaw nating tanggapin na mayroon tayong mahinang estado na walang kakayahang magparusa sa mga pasaway na miyembro ng mga elitista. Na ang ating estado ay nasa kontrol pa rin ng iilang malalaking tao at makanti mo lamang sila ay magbubunsod ng panibagong People Power. Malaki ang suliranin ng ating lipunan. Naniniwala ako na kahit sino mang nakaupong pangulo sa ngayon at kahit ilang Lozada ang lumabas hanggat hindi natin napapalakas ang mga institusyong magtatanggol sa mga ipinapahalagan ng ating demokrasya tuloy pa rin ang away at palitan ng kani kanilang bersyon ng katotohanan. Hanggat walang reporma sa burukrasya, hanggat ang mga nakaupo ay walang kakayahang mamuno, hanggat ang mga lider natin ay walang kapangyarihang magpasunod, hindi uusad ang Pilipinas.

Miyerkules, Pebrero 6, 2008

Bawat Umaga May Hatid na Ngiti

Dumadami ang bilang ng pamilyang Pilipino na naninirahan sa kalsada. Hindi naman na kailangan pang patunayan ito ng survey at statistics. Kung madalas kang dumaan sa kahabaan ng Aurora sa Siyudad ng Quezon, sadyang karaniwang lamang sa pangaraw-araw na buhay ang may kumalabit at mamalimos na mga bata, matanda, babae man o lalaki. Minsan nakakainis at nakakasira ng araw kapag nakakasalamuha ko ang ilan sa kanila. Subalit kadalasan, nakakaawa dahil sa kung anong ganda ng ekonomiya na ipinipinta ng ating pamahalaan ay siya namang kapangit sa katotohanan. Tila bang ang kasinungalingan ay pilit na ginagawang katotohanan hanggang hindi na natin malaman kung ano na nga ba ang totoo at hindi.

Subalit sa gitna ng mukha ng kahirapan sa kabihasnang Maynila, mayroon pa ring mga bagay na nakakapangiti sa akin, maliit man itong ituring. Isang maliit na bagay na hatid ng munting ngiti ng isang batang nakatira sa kalye sa may N. Domingo sa may malapit sa amin. Tuwing maglalakad ako papasok ng aming opisina, andun ang mukha ng bata na may nakapintang ngiti. Wala rin akong magawa kundi suklian ko siya ng isa ring ngiti. At kung sa gabi naman pauwi na ako ng bahay, andun ulit siya nakangiti. Hindi niya alintana ang hirap ng buhay bagamat ang kanyang silungan ay ang hapdi ng sikat ng araw sa umaga at ang kukuti kutitap na bituin sa gabi. Hindi ko alam ang kwento niya. Hindi ko alam kung ilang beses sa isang araw sila kumakain. Hindi ko alam kung saang probinsiya sila galing ng kanyang mga magulang at kung paano sila napadpad sa Kamaynilaan. Hindi ko alam kung saan sila natutulog kapag malakas ang ulan o kung bumabaha man sa lugar. Ang alam ko lamang ay may hatid na kasiyahan sa kanyang ngiti na tila bagang nagwiwika na ‘Wag kang mag-alala, pasasaan ba’t magiging maganda ang araw ko!’

Sa panahon ngayong kayhirap maghanap ng kasiyahan sa buhay, hindi naman makakasama kung tayo ay tumingin tingin sa mga lugar na hindi natin inaasahang tingnan. Kalimitan kasi, naroon ang ating mga hinahanap. Sa mga sulok ng kalye, makikita natin ang isang inang nagpapakain sa kanyang anak. Sa isang bangketa, makikita natin ang isang matandang nagtitiyaga na magbenta ng kendi at sigarilyo upang may maipangtawid lamang sa araw. Sa ilalim ng tulay, makikita natin ang mag-asawang naglalambingan at nagkakatuwaan, hindi alintana ang ingay at usok na ibinubuga ng mga humaharot na bus at jeep. Sa isang kalsada sa N. Domingo, nakita ko ang ngiting nagbibigay pag-asa sa akin. Pag-asang sa darating na panahon, ngingiti na lamang tayo at ipagkikibit balikat ang anumang suliraning dumaan sa ating buhay. Magmasid tayo nang tayo’y matuto!