Sabado, Setyembre 20, 2008

Ganito Kami Noon

Lumaki ako sa probinsya. Hindi ko ito ikinahihiya. Tubong-Bikol ako, ika nga ‘oragon’. Hindi pa uso noon ang cellphone. Naalala ko nga, minsan din kaming nahumaling sa mga radio transmittor upang makapag-usap ng mga kaibigan ko. Wala pa rin naman noong internet, pero may kompyuter na. Subalit karamihan pa rin sa amin ay gumagamit ng makinilya para sa aming assignments. Wala pang Jollibee o Mcdonalds noon. Meron pa lamang ay Bigg’s Diner, Graceland at Moderna. Aaminin ko isa ako sa mga tagahanga noon ni Lito Lapid. Bagamt nanonood din ako ng mga pelikula nina Arnold Swazenneger (tama ba ang spelling nito) at ni Sylvester Stallone, mas gusto ko ang postura ni Lito Lapid. Double screening pa ang mga sinehan noon sa Naga. Mayroong Emily Theater, Bichara Theater, Vic Theater, Alex Theater, at marami pang iba. Ngayon ang dalawang nauna na lamang ang natitira. Marami ring mga simbahan. Andyan ang Naga Cathedral, Basilica, San Francisco Church at Peñafrancia Church. Bukod dito mayroong mga kapilya ang halos lahat ng barangay. Naaalala ko na dinig na dinig namin ang kalembang ng kampana ng kapilya sa Brgy. Dayangdang tuwing Sabado at Linggo. Mayroon ding public library sa itaas ng isang building ng bangko. Subalit sa unang tingin mo pa lamang ay parang hindi library dahil bukod sa luma na ang mga libro ay mainit at maalinsangan pa. Ngayon, state of the art na ata ang library na ipinangalan pa kay yumaong Senador Raul Roco (na ayon sa marami, ang ‘The best president we never had’). Marami ring plaza. May plaza sa Barlin Street, kung saan naroon ang rebulto ni P. Jorge Barlin. Mayroon ding Quince Martires at ang malaking plaza sa gitna ng syudad (ano nga ba ang pangalan noon?). Naalala ko mayroon pang malalaking piyesa ng chess kung saan maaari kayong maglaro. Mayroon ding lugar kung saan may nangyayaring debate na karamihan ay mga matatanda. Masarap panuorin at pakinggan habang nag-uusap sila ng kung ano-anong bagay, mapa-pulitika man o mapa-ordinaryong bagay. Mayroon ding malaking telebisyon na kung saan tuwing mahal na araw ay nagpapalabas ng mga senakulo. Mayroon ding mga resort at swimming pools. Mayroong Carolina Resort, Peñafrancia Resort at Civic Center. Madalas kami ng pamilya ko sa huli kasi malapit dati ito sa aming tirahan. Madalas kaming magnight-swimming doon.

Katulad din ng maraming kabataan noon, nahumaling din ako sa iba’t ibang laro. Sari-sari ang mga ito, mapaholen man, text o shato. Sa paaralan, naglalaro ako ng basketball, chess at patintero. Ang hindi ko lamang nalaro ay yung karate base. Ewan ko kung sino ang nag-imbento nuon. Hybrid siya ng agawan base na laro na sa halip na tatayain mo ang kalaban sa pamamagitan ng pagdampi ng kamay sa katawan ay magsisipaan kayo. Marahil natakot akong masaktan noon.

Hindi ko na alam kung ano na ang itsura ng bayang nakagisnan ko noon. Hindi na kasi ako madalas makauwi sa amin dala ng maraming trabaho dito sa Maynila. Huling punta ko sa amin, napansin ko na marami nang nagbago. Marami na ang naglitawang ukay-ukay, mga nagbebenta ng pirated CDs at DVDs at may traffic na rin! Marami na ring mga hotel at motel. May mga naglipana na ring nagbebenta ng panandaliang aliw. Mayroon na ring mga maliliit na malls at mayroon na ring SM na tinatayo. Sa ngayon, hindi ko na kilala ang bayang kinalakihan ko. Ako kaya, kilala kaya ako ng bayan ko?

Miyerkules, Agosto 6, 2008

KUNG BAKIT TAHIMIK ANG MGA MAKA-KALIKASAN SA ISYU NG PAGDAMI NG POPULASYON

Bakit nga ba tahimik ang mga maka-kalikasan (environmentalists) sa isyu ng paglobo ng populasyon? Hindi ba na isa sa mga dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay sanhi ng walang pakundangang pag-gamit ng tao? Kaya nga sa pagdami ng gumagamit nito ay lumalala ang kundisyon ng kalikasan. Halimbawa na lamang ay ang mga nangyayari sa mga pamayanan sa baybayin na kung saan lumalaki ang bilang ng mga taong nakikinabang sa likas yamang dagat. Subalit sa pagdami ng mga tao sa mga pamayanang ito ay kaakibat ang pag-igting ng kumpetisyon sa pag-gamit ng pangisdaan. Kaya sa huli, dumarami ang bilang ng mga mangingisda at mga umaasa sa pangisdaan samantalang ang ekosistema ay nananatiling malubha ang karamdaman. Dagdag pa dito, ang mga bakawanan ay patuloy na nasisira sanhi ng pangangailangan sa pabahay at palupa para sa mga mangingisda sampu ng mga kaanak nito. Sa kalunsuran naman, hindi na tayo nagugulat sa tambak tambak na basura sa ating kapaligiran. Nakailang beses na ring nanawagan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Rizal na hindi na nito kayang kunin ang basura sa Maynila dahil mapupuno na ang tambakan ng basura sa kanila. Normal na rin ang mga basurang nakalutang ss mga estero at ilog. Normal na rin makalanghap ng usok na dala ng mga pabrika at sasakyan. Normal na rin ang mga nagsisiksikang bahay magin man sa Makati, kung saan hindi mo inaakalang mayroon pa ring mga dikit dikit na barong-barong, naliligo sa kalye, nag-iinuman, namamalimos…

Nasaan na ang mga environmentalists sa usapang may kinalaman sa pagdami ng populasyon? Natatakot nga ba sila sa parusa ng Simbahan? Na baka dumating ang panahon ay hindi na sila makapagkomunyon o makapagpakasal sa simbahang nais nila? Nasaan ang ang environmentalists habang pinag-uusapan ang isa sa mga kritikal na usapin na nagpapalala sa kundisyon ng ating kalikasan? Magparamdam naman sana sila…

Miyerkules, Hunyo 25, 2008

DAGDAG NA TAKE HOME PAY, PARA KANINO AT PARA SAAN

Magkahalong galak at pangamba ang naramdaman ko nang mabalitaan ko noong nakaraang lingo na nilagdaan na ni Gng. Arroyo ang R.A. 9504 na magbibigay ng karagdagang take home pay mula sa exemption sa buwis ang mga minimum wage earners sa ating bansa. Nagagalak ako sapagkat napapanahon na may ginawang mabuti ang pamahalaan sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin, mapa-gasolina man ito o mapa-pagkain. Sa kabilang banda, nangangamba naman ako sapagkat baka ito ay isang pakulo na naman ng pamahalaan upang pakalmahin ang mga mamamayan sa kanilang karaingan sa korupsyon at pagiging lehitimong pangulo ni Gng. Arroyo. Maaari tayong magnilay nilay ng totoong dahilan kung bakit ito naisabatas kaugnay ng mariing pagtutol ng mga pribadong kumpanya at korporasyon na pinamamahalaan ng mga elitista sa ating lipunan. Kung matatandaan, malinaw na ipinahayag ng mga may-ari ng kumpanyang ito na tinututulan nila ang anumang panukalang batas tungkol sa pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa. Matatandaan din na ipinatupad na ang 20 pesos na pagtaas ng sweldo ng mga mangagawa sa Kalakhang Maynila subalit ito ay pagkatapos lamang na upuan at kausapin ng Gng. Arroyo ang mga may-ari ng kumpanya tungkol sa pangangailangang pagtataas ng sweldo. Hindi ko tuloy lubos maiwasan na magtanong kung mayroong usapan ang mga elitista at ni Gng. Arroyo na ang resulta ay ang pagsasabatas ng R.A. 9504 o Tax Relief for Minimum Wage Earners Act. Bakit isinabatas ito samantalang tuwiran namang polisiya ng ating pamahalaan ang pag-abot sa balanseng budget ng ating bansa sang-ayon sa itinakda ng International Monerary Fund (IMF), na matagal na tayong inaalipin? Mas kaduda duda pa ang palabas na ito dahil ang pangunahin may-akda ng nasabing batas ay walang iba kundi si Sen. Mar Roxas, na hindi ko alam kung nagpapabango lamang ng pangalan o dili naman kaya ay ipinagtatanggol lamang nito ang interes ng kanyang angkan na nagmamay-ari ng ilang malalaking kumpanya sa ating bansa. Isinabatas kaya ito upang maibsan ang pagpupumilit ng taong bayan na taasan ang sweldo ng mga manggagawa? Ano kaya ang napagkasunduan ni Gng. Arroyo at ng mga nagmamay-ari ng mga naglalakihang kumpanya?

Hindi kaya napagkasunduan nila na wala nang pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa sa mga susunod na taon, lumala man ang krisis o hindi? Hindi kaya napagkasunduan nila na ang halagang kita na mawawala sa pamahalaan bunsod ng batas ay ibabalik ng mga kumpanya sa pamamagitan ng pagpapataw ng buwis sa mga kliyente nito sa pamamagitan ng E-VAT? Kaya ang mangyayari ay magsasaya ang taong bayan dahil sa batas subalit hindi nila alam na ito ay babalik din naman sa mga bulsa ng mga kumpanya at sa pamahalaan. Kaya ang mangyayari hindi pa rin naman lilihis ang bansa sa usapan nito sa IMF na matamo ang balanseng budget sa mga susunod na taon. Kahanga-hanga ang mga palabas na ito ng pamahalaan. Sa halip na bigyan ng solusyon ang suliranin ay pina-ikot ikot pa ang mga ulo ng taong bayan. Sa halip na bigyan ng karampatang pagtaas ng sweldo ng mga manggagawa ay binabaan na lamang ang buwis na binabayaran ng mga ito. Tuwang tuwa ang mga may-ari ng mga kumpanya at korporasyon! Sa halip na gumastos ang pamahalaan sa mga serbisyo sa kalusugan, edukasyon at kalikasan gamit ang pera galing sa buwis, mas pinili ng pamahalaan ang isang populist na paraan. Isang paraan na panandalian lamang at mas makakatamasa ang mga middle class hindi ang mga tunay na naghihirap sa bayan (ayon kay Propesor Solita Monsod). Ang mga naghihirap sa bayan ay walang mga trabaho na makita o angkop sa kanilang kakayahan. Ang mga mahihirap sa bayan ay ang mga nagkakalkal ng basura, mga nagtitiyagang magmaneho ng bus, tricycle at jeep kahit na tumataas ang presyo ng langis, mga nagtitinda sa mga turo turo at mga by call na karpintero, tubero at iba pa. Ang tunay na makikinabang sa batas ay hindi sila na nagdarahop sa buhay at matagal nang hindi nabibigyang pansin ng ating pamahalaan.

Ang mga kundisyong ito ay nakakapangamba sa isang lipunang bugbog sarado na sa iba’t ibang suliranin na ang natatanging maydala ay ang ating pamahalaan. Isang pamahalaan na malaki ang pangangailangan sa taong bayan upang maitayo ang lehitimo nitong pamamahala. Subalit ang tanong, kailangan ba naman ng taong bayan ang pamahalaan?