Lunes, Mayo 26, 2008

Ayaw Kasi ni Papa ng Iyakin

Mag-iisang buwan na noong mamatay ang aking ama dala ng sakit sa baga. Chain-smoker kasi, nag-umpisa sa Hope, Marlboro hanggang mapunta sa Winston lights. Subalit hindi ako magsusulat tungkol sa kanya o kaya tungkol sa samahan namin bilang mag-ama. Ayaw niya ng sentimental, ni ayaw niya nga magpaburol kasi ayaw niya ng iyakan.

Kaya nga hindi ako magsusulat tungkol sa kanya kundi magsusulat ako tungkol sa karanasan ko sa ating mga pamahiin kapag mayroong namatay. Napapatawa na lamang ako sa ilang mga bagay na pinaniniwalaan pa rin sa aming bayan sa Naga City, na kung tutuusin ay isang siyudad na. Alam ko na ang ilang pamahiin kapag mayroong namamayapa sa atin. Noong maimbitahan kami ng isang kaibigan dahil namatay ang kanyang kamag-anak, kapansin pansin na naglalaan pa rin ng upuan at pagkain ang namatay. Tanda ito ng pagkilala na nananatili pa rin ang kaluluwa ng namatay sa mundo, hindi sila kaagad agad pumupunta sa kung saan man sila dapat pumunta. Ang nakakatuwa pa rito, ang aming kaibigan ay mula sa mayaman at maimpluwensiyang pamilya sa malayong probinsiya sa Hilagang Luzon. Patunay na ang pamahiin ay buhay pa rin, mayaman man o mahirap.

Noong namatay ang aking ama, pinagsabihan kami ng aming ina na iwasang tumulo ang aming luha sa kabaong. Magiging mabigat daw kasi ang pagkamatay sa aming ama pati na rin sa amin. Lubos na pinag-isipan ko tuloy ito sapagkat tumulo ang aking luha sa kabaong ni papa, hindi ko na lamang isinabi ito sa aking ina. Sa payo ng ilang matatanda, sinunod din namin ang pamahiin na kailangan maghugas ng paa bago pumasok sa bahay pagkatapos ng libing. Hindi ko lubos maunawaan ang dahilan nito. At ayoko na ring mag-isip ng kapanahunang iyon.

Isa pang pamahiin na aking ikinagugulat ay ang ipinayo sa aking ina na magkulong muna ng 3 araw sa kwarto at iwasang kausapin ang mga kapatid kong may-asawa. Sabi ng matatanda, baka raw maging balo rin ang mga kapatid ko. Kaya nga ako na lamang ang ipinasama sa aking ina sa kwarto dahil ako na lamang ang walang asawa sa aming magkakapatid. Sa loob-loob ko lang, nabalo na nga ang aking ina, kukulungin pa ng 3 araw sa kwarto. Parusa ba ito? Ewan ko.

Pamilyar din tayo sa pa-siyam. Subalit laking gulat ko pa rin nang sinabi ng nagdarasal na gumuhit ng bungo sa telang itim na inilagagay namin sa mesa na may larawan ni papa. Dito hindi ko na napigilan ang sarili ko, tinanong ko ang nagdarasal kung bakit kailangan pa nito. Sabi niya lamang, ‘iyan ang pamahiin natin eh.’ Pabirong sabi nga kapatid kong lalaki ‘nabanggit naman natin na Katoliko tayo, di ba?’

Buhay na buhay ang mga sinaunang paniniwala at pamahiin ng mga Pilipino bagamat marami na ring nagbago sa ating lipunan. Minsan nakakairita subalit para sa iba mahalaga ang ipagpatuloy ang mga paniniwalang naging gabay at gawi ng ating mga ninuno noon. Wala namang mawawala sa atin kung ating susundin. Subalit ang higit na mahalaga para sa akin ay ang mataimtim na paggunita sa mga namayapang kamag-anak at malapit sa puso natin. Sa bandang ito, titigil na ako. Ayaw kasi ni papa ng iyakan.

Huwebes, Abril 3, 2008

ANG KRISIS SA BIGAS AT ANG KRISIS SA PAGKAIN

Hindi ko lubos maunawaan nang mabasa ko sa mga pambansang pahayagan na umaangkat pala tayo ng ilang libong toneladang bigas galing sa mga karatig nating bansa katulad ng Vietnam. Higit pa ang aking pagkagitla nang mabasa ko na matagal na rin pala tayong umaangkat ng bigas. Subalit ngayon lamang natin napansin kasi nga sa nakaambang krisis ng bigas sa buong daigdig. Marami ang mga naging paliwanag ditto. Unang-una, lumaki na daw ang bilang ng mamamayan na nagkaroon ng kakayahang bumili ng bigas. Marahil dala ito ng natamasang pag-angat sa buhay. Pangalawa, sadyang bumaba ang produksyon ng bigas kaya nagkaroon ng pagbaba sa suplay. Marahil dala ito ng pagbabago sa klima na kung saan ang dating mga lupang umaani ng masagana ay nagiging tuyot na at hindi na kapaki-pakinabang. Sa Pilipinas, dumaragdag pa sa suliranin ng pagbabago sa klima ang walang pakundangang pagdeklara ng mga lupang pambukid bilang lugar pang-industriya.

Subalit ang nakakapagkataka bakit hindi umaamin ang ating pamahalaan na may krisis nga sa bigas. Kung malinaw pa sa tubig na may nakaambang na suliraning ganito kalaki, bakit hindi pa tayo umamin at masimulan na ang mga karampatang hakbangin upang matugunan ang problema? Naalala ko tuloy na ganitong ganito rin ang problema pagdating sa usaping pagkasira ng likas yamang dagat sa ating bansa. Dahil sa hindi na maganda ang kalagayan ng halos lahat na pangunahing lugar pangisdaan sa Pilipinas, kumukunti na ang nahuhuling isda ng mga magigiting nating namamalakaya. Katulad ng krisis sa bigas, marami na ring mga siyentipikong pag-aaral tungkol sa kalagayan ng ating pangisdaan na nagsasabing naabot na ng kasalukuyang panginigsda ang sukdulan. Kapag ipinagpatuloy pa ang kasalukuyang pangingisda, malamang wala nang isdang makakain ang mga susunod na henerasyon.

Sa kasamaang palad, hindi matanggap ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa pagtugon sa mga usaping may kinalamanan sa pangisdaan. Bagamat mismong mga eksperto na nila ang nagsasabi na may krisis sa pangisdaan, tila bagang walang narinig o nakita ang BFAR. Nangangamba kaya sila na kapag idineklara nilang may krisis sa pangisdaan ay mayroong masamang epekto ito sa ating pangangalakal ng mga pangunahing produkto ng dagat katulad ng hipon, seaweeds at iba pa? Subalit ano ba naman ang pag-amin na may suliranin. Malamang hindi nila alam ang kanilang gagawin sa harap ng nakaambang problema sa pangisdaan.

Ang krisis sa bigas at ang krisis sa pangisdaan ay nangangahulugang mayroon tayong problema sa pagkain sa hinaharap. At kung dumating man tayo sa puntong wala na talaga tayong makuhang pangtawid gutom dahil nga huli na ang lahat, hindi kaya mas malaking suliranin pa ito. Hindi ba habang may panahon pa ay matanggap natin ang ating mga pagkakamali at matugunan ang problema… na imbes na mag-angkat ng bigas ay disin sana ay mas ipina-unlad pa natin ang mga sakahan at bukirin… na imbes na panandaliang magkamal ng dolyar galing sa mga produktong ating ibenebenta sa ibang bansa ay protektahan at pagyamanin natin ang mga natitirang lugar pangisdaan sa bansa. Sana ay magising na tayo sa katotohanan, may krisis sa pagkain… may krisis sa bigas… may krisis sa pangisdaan.

Linggo, Marso 30, 2008

ANG PAGKASIRA NG KALIKASAN AT ANG KRISIS NG KAPITALISMO

Hindi maihihiwalay ang pagkasira ng likas yamang dagat sa krisis na kinasasadlakan ng kapitalismo sa buong mundo. Nakaugat ang pagkasira ng mga kagubatan at pagkalason ng karagatan sa kabiguan ng kapitalismo na palawakin pa ang nais nitong puwang para ito ay mas maka-alpas sa kasalukuyang kalagayan. Masasabi natin na naabot na ng kasalukuyang sistema ang sukdulan nito at wala nang iba pang maaasahan kundi ang ito ay magupo. Subalit sa ilalim ng kapitalismo, napakalaki ang ating naging kasalanan sa kalikasan. Kaya nararapat lamang na atin nang paghandaan ang karampatang kabayaran sa ating mga kasalanan. Sa usaping pagkasira ng kalikasan, mas malaki ang naging kasalanan ng mga mayayamang bansa na mas pinili pa ang maubos ang kanilang natitirang mineral upang maabot ang huwad na kasaganahan na kanilang panandaliang tinamasa. At malaki rin ang kanilang naging papel sa pagkaubos ng mga mineral ng mahihirap na bansa na kanilang inangkat sa ilalim ng hindi pantay na kasunduan sa pangangalakal. Sa kabilang banda, malaki rin ang kasalanan ng mga naghahariang uri sa lahat ng bansa sa mundo. Ito ay dahil sila ang naging pabaya sa pangangalaga at pagtatantya na may matitira pang likas yaman para sa mga susunod pang henerasyon. Akala ng mga mayayamang bansa at ng mga naghaharing uri na umaapaw sa kasaganahan sa likas yaman ang buong mundo. Na hindi nauubos ang likas yaman. Kaya sa ilalim ng kapitalismo, tuloy tuloy ang paghuhukay ng mga mineral upang makapagpatayo ng mga naglalakihang gusali at makagawa ng iba’t ibang palamuti sa bahay at sa katawan. Saka pa lamang nagising ang iilan sa katotohanan pagkatapos na makaranas ng pagtigil sa pag-unlad ang mga bansang nagbabandila ng kagalingan ng kapitalismo. Mayroon naman na sanang nakitang solusyon ang ilang ekonomista upang ipagpatuloy kahit papaano, kahit kakaparangot na pag-unlad sa pamamagitan ng pagpipiga ng interes sa kapital. Subalit panandalian lamang ang solusyon at muli sunod sunod na krisis ang naranasan ng buong mundo higit pa sa mga bansa sa Asya noong krisis ng 1997. Sa ngayon, tila wala nang sigla ang sistemang pinalawak at dinikta ng Estados Unidos sa buong mundo. Ang iba’t ibang institusyon katulad ng World Bank, International Monetary Fund at World Trade Organization ay pawang hindi na makaahon sa kumunoy na kinasasadlakan nito.

Ano na nga ba ang ating inaasahan sa pagkalugmok ng kapitalismo sa buong mundo? Magkakaroon ba ng kapalit ang sistemang may malaking pananagutan sa kalikasan? At kung mayroon mang papalit na sistema, ano ang porma nito at ano ang ating kasiguruhan na mapapangalagaan nito ang ating kalikasan?