Miyerkules, Pebrero 6, 2008

Bawat Umaga May Hatid na Ngiti

Dumadami ang bilang ng pamilyang Pilipino na naninirahan sa kalsada. Hindi naman na kailangan pang patunayan ito ng survey at statistics. Kung madalas kang dumaan sa kahabaan ng Aurora sa Siyudad ng Quezon, sadyang karaniwang lamang sa pangaraw-araw na buhay ang may kumalabit at mamalimos na mga bata, matanda, babae man o lalaki. Minsan nakakainis at nakakasira ng araw kapag nakakasalamuha ko ang ilan sa kanila. Subalit kadalasan, nakakaawa dahil sa kung anong ganda ng ekonomiya na ipinipinta ng ating pamahalaan ay siya namang kapangit sa katotohanan. Tila bang ang kasinungalingan ay pilit na ginagawang katotohanan hanggang hindi na natin malaman kung ano na nga ba ang totoo at hindi.

Subalit sa gitna ng mukha ng kahirapan sa kabihasnang Maynila, mayroon pa ring mga bagay na nakakapangiti sa akin, maliit man itong ituring. Isang maliit na bagay na hatid ng munting ngiti ng isang batang nakatira sa kalye sa may N. Domingo sa may malapit sa amin. Tuwing maglalakad ako papasok ng aming opisina, andun ang mukha ng bata na may nakapintang ngiti. Wala rin akong magawa kundi suklian ko siya ng isa ring ngiti. At kung sa gabi naman pauwi na ako ng bahay, andun ulit siya nakangiti. Hindi niya alintana ang hirap ng buhay bagamat ang kanyang silungan ay ang hapdi ng sikat ng araw sa umaga at ang kukuti kutitap na bituin sa gabi. Hindi ko alam ang kwento niya. Hindi ko alam kung ilang beses sa isang araw sila kumakain. Hindi ko alam kung saang probinsiya sila galing ng kanyang mga magulang at kung paano sila napadpad sa Kamaynilaan. Hindi ko alam kung saan sila natutulog kapag malakas ang ulan o kung bumabaha man sa lugar. Ang alam ko lamang ay may hatid na kasiyahan sa kanyang ngiti na tila bagang nagwiwika na ‘Wag kang mag-alala, pasasaan ba’t magiging maganda ang araw ko!’

Sa panahon ngayong kayhirap maghanap ng kasiyahan sa buhay, hindi naman makakasama kung tayo ay tumingin tingin sa mga lugar na hindi natin inaasahang tingnan. Kalimitan kasi, naroon ang ating mga hinahanap. Sa mga sulok ng kalye, makikita natin ang isang inang nagpapakain sa kanyang anak. Sa isang bangketa, makikita natin ang isang matandang nagtitiyaga na magbenta ng kendi at sigarilyo upang may maipangtawid lamang sa araw. Sa ilalim ng tulay, makikita natin ang mag-asawang naglalambingan at nagkakatuwaan, hindi alintana ang ingay at usok na ibinubuga ng mga humaharot na bus at jeep. Sa isang kalsada sa N. Domingo, nakita ko ang ngiting nagbibigay pag-asa sa akin. Pag-asang sa darating na panahon, ngingiti na lamang tayo at ipagkikibit balikat ang anumang suliraning dumaan sa ating buhay. Magmasid tayo nang tayo’y matuto!

Linggo, Enero 13, 2008

Hay Buhay!

‘Hay buhay,’ ito ang naging pambungad ng isang batang nagtitinda ng sampaguita minsan nang kumain ako sa isang karinderya sa may katipunan. Ang bata ay nasa edad na 7 o walong taon. Nagkatinginan lamang kaming mga kumakain na para bang nakikiramdam sa panaghoy ng isang murang bata tungkol sa buhay.

Isang natural na pangitain ang mga batang naglipana sa kalsada sa Kalakhang Maynila upang mamalimos o kung hindi naman ay maglako ng sigarilyo, kendi o pamunas ng mga nagmamaneho ng sasakyan. Dito nga sa may kahabaan ng Aurora kapansin pansin ang mga batanga sumasakay ng jeep at magpupunas ng mga sapatos ng mga pasahero at manghihingi ng kaunting barya. Mas lalo silang dumami noong nakaraang Disyembre kung saan mas madaling manghingi dahil na rin sa Kapaskuhan. Ang dating hindi normal na pangitain ay nagiging normal sa mga mata ng tao. Ang dapat na binibigyang solusyon sa problema ng kahirapan sa Kalakhang Maynila ay nagiging normal dahil na rin sa araw-araw na pakikisalamuha sa mga batang nagpapatintero sa daan at sa mga batang babaeng may bitbit na sanggol upang magmakaawa.

Hindi dapat nangyayari ang mga ganito subalit sa isang bayang maliit ang oportunidad upang makipagsabayan, patuloy na lumulubog sa kahirapan ang karamihan sa atin. Ang hindi pantay na oportunidad sa pag-ahon sa pagitan ng mga may kaya at ng mga walang wala ay patuloy na lumalala. Sa isang pag-aaral ng National Statistics Office ang pagitan ng mga mayayaman at ng mga mahihirap ay lumalaki. Ayon pa rin sa pag-aaral, ang sampung porsyento ng mga mayayamang pamilya ay nakikinabang sa 1/3 na kabuuang kinikita ng bansa. Ibig sabihin ang 1.74 milyon na mayayamang pamilyang Pilipino ay nakakakuha ng 36 porsyentong part eng kabuuang kita ng bansa na umaabot ng 3 trilyon piso ayon sa talaan noong 2006. Ibig sabihin ang mga mayayamang pamilya ay patuloy na yumayaman habang ang mga mahihirap na pamilya ay patuloy na naghihirap.

Hindi na ito nakakatuwa. Bagamat ipinapangalandakan ng ating pamahalaan na gumaganda daw ang ating pambansang ekonomiya, ang tanong ay para kanino at nasaan ang sinasabing pagganda ng ating ekonomiya. Maaaring sa pagdating ng panahon dadami pa rin ang mga batang magtitinda ng sampagita, sigarilyo, kendi at pamunas. Dadami na rin ang mga mag-aagawang makasakay ng jeep at mamalimos. Walang makakapansin nito kasi normal nang tingnan ang mukha ng kahirapan. Hay buhay!

Martes, Enero 8, 2008

Pagbabalik-Tanaw

Ang Pagluluwal ng Batas Pampangisdaan

Sa darating na Pebrero 2008, gugunitain natin ang ika-10 Anibersaryo ng pagsasabatas ng Batas Republika Bilang 8550 o ang Batas Pampangisdaan ng Pilipinas. Sa loob ng isang dekadang pagpapatupad ng nasabing batas, ano na ba ang kinahinatnan ng mga pamilyang mangingisda? Naging tuntungan ba nila ang Batas Pampangisdaan upang maigpawan ang matinding pagdarahop at suliraning kanilang kinakaharap sa pang-araw araw na pamumuhay? Lumawak nga ba ang partisipasyon ng mga maliliit na mangingisda sa pamamahala ng likas yamang dagat? Layunin ng papel na ito na tingnan ang kinahitnan ng mga pangakong hatid ng Batas Pampangisdaan. Una, hangad ng artikulo na suriin ang pagiging epektibo nito bilang isang mekanismo upang labanan ang kahirapan sa mga pamayanan sa baybayin. At pangalawa, nais ring tingnan nito ang kahalagahan ng batas upang palakasin ang papel ng mga mangingisda sa pamamahala ng likas yamang dagat.

Bagamat naipasa ng Kongreso ang Batas Pampangisdaan noong 1998, ang kampanya ng sektor ng mga mangingisda ukol dito ay nag-umpisa na ng mga nakaraang taon. Itinanim ang butil para sa pagsulong ng Batas noong Marso 1987 nang magpatawag ng Pambansang Kongreso ang Bigkis-Lakas ng mga Mangingisda, isang malawak na asosasyon at pederasyon ng mga mangingisda. Nagbunga ang pagsasama ng iba’t ibang grupo ng mangingisda ng isang burador na kinilalang Unity Bill pampalit sa Presidential Decree 704 na pinatupad noong panahon ng Pangulong Ferdinand Marcos. Ang nasabing burador ay ipinasa at tinalakay sa ika-8 Kongreso. Dahil na rin sa pagtutol ng mga komersyal na mangingisda, hindi naisulong ang Unity Bill. Muli itong ipinasok sa ika-9 na Kongreso sa pangunguna ng National Coalition for Fisheries and Aquatic Resources (NACFAR). Mula sa grupong ito nabuo naman ang NGO Technical Working Group for Fisheries Reform and Advocacy na sa kasalukuyan ay mas kilala sa tawag na NGOs for Fisheries Reform (NFR). Hindi rin ipinalad na maipasa sa ika 9 na Kongreso ang Batas Pampangisdaan.

Sa ilalim ng pamahalaan ni dating Pangulong Fidel Ramos, nabuo ang Social Reform Agenda (SRA) na naglalayong palakasin ang partisipasyon ng mga batayang sektor ng lipunan sa pamamahala. Kasama sa mga layunin ng SRA ang makapagbuo ng isang bagong Batas Pampangisdaan. Inihain sa ika-10 Kongreso noong Hulyo 1995 ang SRA Consensus Bill. Ito ay hayagang itinukoy ni Pangulong Ramos bilang isa sa mga pangunahing batas na isinusulong ng kanyang pamahalaan. Noong Pebrero 1998, ipinasa ng Kongreso ang Batas Republika Bilang 8550 o ang Batas Pampangisdaan ng Pilipinas.

Isang Dekada Na: Hirap pa rin ang Mangingisda

Bilang isang batas na naglalayong maiangat ang kabuhayan ng kalakhang mangingisda sa bansa, ang Batas Pampangisdaan ay naglaan ng mga panukalang nagbibigay kiling sa mga mahihirap na mangingisda sa paggamit ng pangisdaan. Kaya nga inilaan para sa mahigit na 1.7 milyong maliliit na mangingisda ang 15 kilometrong katubigang munisipal upang kanilang pagyamanin at gamitin para pagkunan ng pagkain at ikabubuhay. Sa halip na mabigyan ng pag-asang makaahon sa hirap, marami pa rin sa mga mangingisda ang nagdarahop. Itinuturing pa rin ang mga mangingisda bilang pinakahamahirap sa lahat ng mga mahihirap sa bansa. Isang patunay nito ay ang tala ng National Statistical Coordination Board na naglalarawan na mahigit 43 porsyento ng mga mangingisda ay kumikita ng kulang sa kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay. Tingnan ang Table 1.

Table 1. Bilang ng Naghihirap bawat Sektor, 2003

Sektor

Bilang ng Naghihirap (%)

Magsasaka

42.4

Mangingisda

43.6

Kababaihan

29.0

Kabataan

23.5

Matatanda

18.4

Maralitang Tagalunsod

15.9

Migrante at pormal na sektor ng manggagawa

18.4

Halaw sa NSCB( http://www.nscb.gov.ph/poverty/2000-2003/pov_inc_00_03.asp)

Ang kahirapang ito na laganap sa mga pamayanan sa baybayin ay bunga ng bumababang kita ng mga mangingisda dala na rin ng paunti nang paunting huling isda. Hindi naman na ito kataka-taka dahil halos lahat na ng mga pangunahing pinagpapangisdaan ay nasa malala nang kundisyon. Bukod pa sa suliraning pagkasira ng mga bakawanan at bahura, mayroon pa ring mga probisyon sa Batas Pampangisdaan na hindi pa ipinapatupad. Kabilang dito ang Seksyon 108 na nagtatakda ng tiyak na pabahay at palupa sa mga mangingisda. Malaki sana ang papel na gagampanan ng mga lokal na pamahalaan dito. Subalit dahil na rin sa kawalan ng pondo at sapat na kakayanang ipatupad ang probisyon, marami pa rin sa mga mangingisda ang nanganganib na mapaalis sa kanilang kasalukuyang tinitirhan. Dagdag pa dito ay ang pagbibigay ng karapatan sa mga pribadong may-ari ng aplaya sa halip na unahin ang batayang pangangailan ng mga mangingisda sa pabahay at palupa. Kung sana ipinatupad ng maayos ang Batas Pampangisdaan, kung ang mga komersyal na namamalakaya ay hindi na pumapasok sa 15 kilometrong katubigang munisipal, kung iniiwasan na lamang ang paggamit ng mga nakakasirang gamit sa pangingisda katulad ng dinamita at lason at kung ang mga pamilyang mangingisda ay mabigyan ng tiyak na pabahay at palupa, disin sana ay gagaan ang pamumuhay nila.

Isang Dekada Na: Hindi Pa rin Marinig ang mga Boses Nila

Maganda rin ang hangarin ng Batas Pampangisdaan upang mabigyan ng representasyon ang mga maliliit na mangingisda sa mga pormal na istruktura katulad ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMCs) at National Anti-Poverty Council (NAPC). Sa katunayan, ang mga lokal na FARMCs ang karaniwang sumusulong sa mga kagalingan ng pangisdaan sa tulong na rin ng mga organisasyon at lokal na pamahalaan. Ang mga lokal na FARMCs din ang nangunguna sa pagpapatupad ng Batas Pampangisdaan at mga lokal na ordinansa sa pamamagitan ng Bantay Dagat. Sa ilalim naman ng NAPC, mayroong itinatag na NAPC-Fisherfolk Cluster kung saan naging tagpo ito ng mga pag-uusap tungkol sa isyu ng Vannamei o White Shrimp at ang Comprehensive National Fisheries Industry Development Plan (CNFIDP), isang plano para sa sektor ng pangisdaan para sa darating na 25 taon. Subalit hindi rin nakaiwas sa puna ang mga institusyong ito. Marami pa ring lugar ang walang mga FARMCs. At kung meron man, walang sapat na tulong ang ilan dahil na rin sa kakulangan sa kakayahan ng ilan sa mga Municipal Agriculturists o lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga programa para sa kagalingan ng pangisdaan. Kadalasan nakatutok ang mga ito sa pagpapaunlad ng agrikultura. Sa kabilang banda, hindi pa rin nabubuo ang National FARMC, bagay na ikinababahala ng maraming miyembro ng civil society sa kadahilanang hindi na dumadaan sa proseso ng konsultasyon ang mga programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Katulad rin ng puna sa hangarin ng Batas Pampangisdaang sugpuin ang kahirapan, ang pagkakaroon ng representasyon ng hanay ng mga mangingisda sa pamahalaan ay naaantala rin dahil sa kakulangan o kawalan ng implementasyon.

Pagtanaw sa Kinabukasan: Hamon sa Sektor ng Pangisdaan

Mas matindi ang kakaharapin ng sektor ng pangisdaan sa mga darating na panahon. Dala ito ng pagsulpot ng maraming suliraning hindi pa saklaw ng Batas Pampangisdaan. Una rito ang isyu ng pagbabago ng klima o climate change na nagpapahina sa mga bahura at nagpapabago ng temperatura ng tubig dagat. Nakakakapekto naman ito sa mga natural na kalagayan ng mga isda. Ikalawa, ang mga pamayanan sa baybayin rin ang pangunahing naaapektuhan ng mga kalamidad katulad ng matinding bagyo, unos at pagguho ng lupa. Ang nangyari sa mga bayan ng Real at Infanta sa Quezon ay nagpapatunay nito. Pangatlo, hindi rin matatawaran ang masamang epekto ng minahan at ng mga oil spills sa likas yamang dagat. Ang mga nangyari sa Rapu-Rapu, Albay at ang pagtagas ng langis sa Guimaras ay mga hamon na dapat tugunan ng mga mangingisda, ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Higit ang pangangailangan sa pagkakaisa sa kasalukuyan dahil na rin sa mga matitinding hamon na mga ito. Sa darating na Pebrero 2008, sana’y magkasama sama muli ang mga dating organisasyon at grupong matagal nang ipinaghiwalay ng pagkakaiba sa prinsipyo at paniniwala. Kung pag-iisipan, iisa lang naman ang hangarin ng mga grupong ito. Yaon ay ang mapaunlad ang pangisdaan upang maigpawan ang kahirapan at ang mabigyan ng pagkakataong marinig ang boses ng mga mangingisda.

Talasanggunian:

Balderrama, Benedict. Philippine Fisheries Code: Lessons, Issues and Concerns on its Implementation and Enforcement from Village to National Level. SIKAT: Quezon City. n.d.

________________. Comprehensive National Fishery Industry Development Plan (CNFIDP). Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Quezon City, 2006.

http://www.iso.org.ph/

http://www.nscb.gov.ph/poverty/2000-2003/pov_inc_00_03.asp