Huwebes, Oktubre 18, 2007

Tungo sa Pag-unawa ng Kalinangang Pangkalikasan

Tungo sa Pag-unawa ng Kalinangang Pangkalikasan sa

Mga Baybayin sa Dalampasigan sa Quezon

(Halaw sa pananaliksik na ginawa sa direksyon ni Dr. Clemen Aquino ng Departamento ng Sosyolohiya, Pamantasan ng Pilipinas)

Kapag ako’y mayroong hindi maunawaan, hindi ako mapakali. Binubuklat ko ang mga libro sa pagbabakasakaling matagpuan ko ang sagot sa aking katanungan. Minsan naman ako ay nagtatanong-tanong dahil baka sa paraang ito ay may makuha akong sagot o di naman kaya’y mga pahiwatig sa tanong. Maraming tanong ang nais kong bigyan ng sagot tungkol sa mga kababayan natin na naninirahan sa mga pamayanan sa dalampasigan. Sa pagkakataong ito, nagsimula ako sa pagbabalik tanaw sa mga karanasan ko sa aking pakikisalamuha sa mga mangingisda sa bayan ng Panukulan sa Quezon.

Mahigit limang taon na ako sa Institute of Social Order[1], isang non-government organization (NGO) na ginagabayan ng mga Heswita. Nakabatay ang programa ng ISO sa Batas Pampangisdaan ng Pilipinas o R.A. 8550, na naglalayong pagbutihin ang produksyon ng isda sa isang banda at pangalagaan ang karagatan sa kabilang banda. Kung susuriin, ang dalawang itinakdang layunin ng R.A. 8550 ay hindi magkatugma. Kaya ganun na lamang ang kaguluhang idinulot ng nasabing pambansang batas. Sa gitna ng lahat ng ito, nabuo ang kagustuhan ng ilan sa mga pamayanan sa Quezon na unahin ang pangangalaga sa likas yamang dagat. Sa halip na pataasin ang produksyon ng isda, ninais ng ilan na gumawa ng mga programang magbabalik ng kasaganahan sa mga bakawanan at bahura.

Sa mahigit na limang taon kong pabalik balik sa Quezon, maraming mga karanasan at mga bagay na hindi ko gaanong binigyan ng pansin. Dala ito ng pagkakaroon ko ng sariling pagtingin sa kalagayan ng likas yamang dagat. Hindi na maikakaila na isa sa mga ikinakaharap ng mga pamilyang mangingisda sa Pilipinas at sa buong mundo ang pagkawasak ng likas yamang dagat. Malaki ang implikasyon nito lalo na sa produksyon ng mga sektor sa pangisdaan[2]. Subalit dahil nga sa pagkasira lamang ng likas yamang dagat ako nakatuon, hindi ko nakita ang ilang bagay na mas pinahahalagahan ng mga tao sa komunidad. Sa ganitong paglalapat, sinimulan kong magbalik tanaw sa aking karanasan bilang mananaliksik upang maghanap ng mga dalumat na mas pinahahalagahan ng mga tao sa Quezon hindi lamang ang aking pagtingin sa pagkasira ng likas yamang dagat. Aking napag-alaman ang naging matingkad para sa kanila ay ang pangangalaga ng yamang dagat sa kaparaanan ng Bantay Dagat.

Mula sa mga karanasang ito sa pamayanan sa baybayin, aking naunawaan ang mga pagkabigo at tagumpay nila sa pangingisda. Sa paraang ito mas lubos kong naunawaan ang kanilang mga pangarap at hangarin sa pamamagitan ng pagtukoy at pagpapaliwanag ng kaparaanan ng mga Bantay Dagat. Sa pag-aaral na ito aking nauwaan ang mga dahilan kung bakit mayroong mga taong handang magbuwis ng buhay upang pangalagaan ang mga nakagisnan na sa pamayanan. Sa pamamagitan ng mga karanasan ng ilan sa kanila, naunawaan ko kung bakit mayroon pa rin sa kanila na bumabalik sa lugar upang muling makipamuhay at yakapin ang kultura sa pangingisda na kanilang nakagisnan. Subalit dala na rin ng maraming pagbabago sa kalagayan ng Look ng Lamon, mayroon na ring mga nakagisnan na hindi na naipagpatuloy.

Sa pag-aaral na ito ng kalinangang pangkalikasan ng mga pamayanan sa dalampasigan sa Quezon, mahalagang impluwensiya sa akin ang grounded theory na ipinaliwanag nina Glaser at Strauss, kung saan mas pinahahalagahan ang pagbubuo ng teorya bilang tunguhin sa pananaliksik. Ayon sa kanila, ‘ …discovery of theory from data--- which we call grounded theory--- is a major task confronting sociology today, for… such a theory fits empirical situations, and is understandable to sociologists and layman alike’ (1967,1). Tugma naman ang oryentasyong ito sa pananaliksik na tinagurian ni P. Alejo na ‘Pamimilosopiya mula sa Pakikisangkot’ na kung saan ‘ang mahalagang tanong sa katotohanan ay galing sa loob’ (1990, 3). Sa pag-aaral na ito, tinangka kong unawain ang kalinangang pangkalikasan mula sa ‘loob’, gamit ang mga pamantayang pinahahalagahan ng mga pamayanan sa dalampasigan sa Look ng Lamon. Hindi man ako kailanman mapapabilang sa kanila, akin namang tinangkang unawain ang malapit sa loob ko, ang mga karanasan ng mga kababayan nating mangingisda. Malapit din ang pag-aaral na ito sa ethnomethodology. Sa aking pag-aaral, ginamit ko ang pakikipagkwentuhan bilang isang kaparaanan upang makapagkalap ng impormasyon.

Naniniwala ako na mayaman ang karanasan ng mga mga mamamayan dito lalong lalo na sa pagbibigay kahalagahan ng mga ito sa Look ng Lamon. Para sa kanila ang kasaysayan ng bawat pamayanan ay nakabatay sa kasaysayan ng Look ng Lamon. Ang kanilang pagkabigo sa buhay o mga tagumpay ay hindi mailalayo sa karagatan.

Ninais ng pag-aaral na ito na patingkarin ang mga dalumat na pinahahalagahan ng mga mangingisda. Naunawaan ko ito sa pakikipagkwentuhan sa mga Bantay Dagat at ilan sa mga mangingisda kung saan lumabas ang mahahalagang dalumat katulad ng mag-anak at pakikipagkapwa-tao. Sa gayon, naipamamalas ng mga mangingisdang ito ang mahalagang papel ng paghubog ng kulturang may saysay sa kanila. Kakaiba ang mga ito sa mga konseptong aming ipinaliwanag at ipinapaliwanag pa rin bilang isang katuwang na NGO halimbawa ang konsepto ng stewardship na may impluwensiya ng Simbahang Katoliko at ng people empowerment na may impluwensiya naman ng demorakrasyang inangkat natin mula Kanluranin. Kaya nga mahalaga ang muling pag-angkin ng mga mangingisda sa mga dalumat na marahil ay matagal nang andun subalit hindi namin naunawaan dahil na nga sa mga nabanggit kong kadahilaanan. Alalaong baga, kinakailangan nating magkaroon ng pagbabago sa pagtingin sa kulturang ating madaling maunawaan kumpara sa mga kulturang atin lamang hiniram. Ika nga ni P. Albert Alejo, S.J., ‘Cultural regeneration demands that we challenge the unhealthy habits of our people that show their ugly tentacles in such pathetic social processes like election frauds, clan conflicts, environmental degradation, colonial mentality, technological mediocrity, and vulgar consumerism and impunity’(2007,8).

Talasanggunian

Alejo, Albert, S.J. (1990). Tao Po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao. Ateneo de Manila University, Quezon City.

Alejo, Albert, S.J. ‘Regenerating Filipino Culture’. Intersect (July-September 2007). Institute on Church and Social Issues, Quezon City.

Glaser, Barney G. and Strauss, Anselm L. (1967). The Discovery of Grounded Theory. Strategies for Qualitative Research. Aldine Publishing Company, Chicago: USA.



[1] Mahigit sampung taon nang nakikipagtulungan ang ISO sa mga lokal na pamahalaan at pamayanan sa Quezon upang ipatupad ang programang Community-Based Coastal Resource Management. Ninanais ng programa na palakasin ang kalikasan ng tao upang sa gayon ay magampanan nila ang pinagsanib na katungkulan ng lokal na pamahalaan at ng pamayanan sa pangangalaga ng likas yamang dagat.

[2] Ayon sa Batas Pampangisdaan ng 1998 o R.A. 8550, mayroong tatlong itinuturing na sektor sa pangisdaan. Ang mga ito ay ang munisipal na mangingisda na gumagamit ng bangkang pangisda na may timbang na hindi tataas na 3 tonelada, ang mga komersyal na mangingisda na gumagamit ng bangkang may timbang na higit sa 3 tonelada at mga nag-aakwakultura.

Linggo, Oktubre 14, 2007

Pamamaalam


Puminid na ang dating masayang bukangliwayway

Banaag sa mga ibon ang lungkot at lumbay.

Sa kalayuan mahihita ang namumuong luha

Badya ng mapait na paglimot at paghinunha.

Kagabi, inilatay ko ang huling bugso ng puso,

Na napagod sa paulit-ulit na pagkalumo.

Kagabi, inihatid ko na sa huling hantungan

Ang pusong dating masigla sa pag-irog at pagmamahal.

Ni wala man lamang umiyak o nagsumamo

Sa isang istoryang nagwakas sa pag-ibig ko.

Martes, Oktubre 9, 2007

Ang Kahalagahan ng Kamatayan sa Lipunang Pilipino

Nitong nakaraang linggo namatay ang aking tito, kapatid ng aking tatay. Hindi ko masyadong nakilala ang tito ko sapagkat lumaki na ako sa Naga City. Bagamat may pangilan-ngilan akong ala-ala tungkol sa kanya, ang sumama sa kanya na bumili sa palengke ng pagkain at paglakad sa kahabaan ng Aurora sa Cubao, liban doon ay wala na akong iba pang kwento. Subalit sa pangyayaring ito, nakita ko kung paano hinarap ng aming pamilya ang kamatayan ng isang kamag-anak. Lumuwas sa Maynila ang aking tatay mula sa Bicol. Lumuwas din ang aming mga kamag-anak, na doon ko rin lang naman nakita at nakilala, galing Ilocos Norte.

Maaaring mali ako, subalit naiisip ko na may mahalagang papel na ginagampanan ang lamay o burol. Maaaring ang mga ito ay nakakapagpalakas ng samahan ng isang pamilya at malalapit na kaibigan ng pamilya. Nakita ko na ito noong namatay ang nanay ng isa sa aking kaibigan at noong nakaraang taon ng mamatay naman ang aking lola. Ang pagdamay sa mga namatayan ay isang paraan ng pagsasabing andito lang ako, kung kailangan mo ako huwag kang mag-aatubili na magsabi. Ika pa nga ng isang kaibigan, “parang family reunion.” Anumang itawag dito, ang lamay at burol ay nakapagtatag ng samahan. Ang mga matagal nang hindi nagkikita ay muling nagkita, ang matagal nang hindi nag-uusap ay nagkakausap. Katulad na lamang ng mga pinsan ng aking tatay na sa gabing kami’y naglamay ay nagkamustahan at nagkakwentuhan ng mga pangyayari noong sila’y mga bata pa lamang. Minsan may mga kwentong mapapatungkol sa namatay kong tito at magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pero madalas malalakas na tawanan at biruan. Patunay na sa bawat pagharap sa kamatayan, may nabubuong relasyon na tumutulong upang umigpaw sa dalamhating nararamdaman sa tuwing may lumilisan.

Napansin ko rin na ang lamay at burol ay isang paraan din upang kilalanin at isagawa ang mga katutubong paniniwala o mga pamahiin. Akala ko noon na sa patuloy na pag-inog ng mundo, sa patuloy na pagtakbo ng kasaysayan ng Pilipinas patungo sa hinahangad nitong modernismo, hihina ang mga katutubong paniniwala, ang pamahiin halimbawa. Subalit mukhang mali ako. Sa tuwing mayroong patay, lumalabas ang mga pamahiin halimbawa bawal ang magsuklay, magsalamin at magdala ng mga pagkain galing sa lamay at burol. Bawal din ang maghatid ng mga bisita, bawal ang magpaalam. Sa pamilyang relihiyoso katulad ng pamilya ng tito ko, hindi ko lubos maisip na naniniwala din sila sa mga ganoong pamahiin. Sa tingin ko, mahalaga ang mga ito. Patunay ito na buhay ang mga paniniwala ng mga sinaunang Pilipino sa gitna ng maraming pagbabago sa ating lipunan. Ito ang mga kwentong may saysay sa atin sapagkat ito ang mga bagay na sa tingin ko ay ating pinahahalagahan. Kung hindi natin ito pinahahalagaan, disin sana ay kinalimutan na natin ang mga ito. Matingkad para sa akin ang mga punang ito dahil aking nararanasan at aking na-uunawaan ang mga ito.