Miyerkules, Pebrero 6, 2008

Bawat Umaga May Hatid na Ngiti

Dumadami ang bilang ng pamilyang Pilipino na naninirahan sa kalsada. Hindi naman na kailangan pang patunayan ito ng survey at statistics. Kung madalas kang dumaan sa kahabaan ng Aurora sa Siyudad ng Quezon, sadyang karaniwang lamang sa pangaraw-araw na buhay ang may kumalabit at mamalimos na mga bata, matanda, babae man o lalaki. Minsan nakakainis at nakakasira ng araw kapag nakakasalamuha ko ang ilan sa kanila. Subalit kadalasan, nakakaawa dahil sa kung anong ganda ng ekonomiya na ipinipinta ng ating pamahalaan ay siya namang kapangit sa katotohanan. Tila bang ang kasinungalingan ay pilit na ginagawang katotohanan hanggang hindi na natin malaman kung ano na nga ba ang totoo at hindi.

Subalit sa gitna ng mukha ng kahirapan sa kabihasnang Maynila, mayroon pa ring mga bagay na nakakapangiti sa akin, maliit man itong ituring. Isang maliit na bagay na hatid ng munting ngiti ng isang batang nakatira sa kalye sa may N. Domingo sa may malapit sa amin. Tuwing maglalakad ako papasok ng aming opisina, andun ang mukha ng bata na may nakapintang ngiti. Wala rin akong magawa kundi suklian ko siya ng isa ring ngiti. At kung sa gabi naman pauwi na ako ng bahay, andun ulit siya nakangiti. Hindi niya alintana ang hirap ng buhay bagamat ang kanyang silungan ay ang hapdi ng sikat ng araw sa umaga at ang kukuti kutitap na bituin sa gabi. Hindi ko alam ang kwento niya. Hindi ko alam kung ilang beses sa isang araw sila kumakain. Hindi ko alam kung saang probinsiya sila galing ng kanyang mga magulang at kung paano sila napadpad sa Kamaynilaan. Hindi ko alam kung saan sila natutulog kapag malakas ang ulan o kung bumabaha man sa lugar. Ang alam ko lamang ay may hatid na kasiyahan sa kanyang ngiti na tila bagang nagwiwika na ‘Wag kang mag-alala, pasasaan ba’t magiging maganda ang araw ko!’

Sa panahon ngayong kayhirap maghanap ng kasiyahan sa buhay, hindi naman makakasama kung tayo ay tumingin tingin sa mga lugar na hindi natin inaasahang tingnan. Kalimitan kasi, naroon ang ating mga hinahanap. Sa mga sulok ng kalye, makikita natin ang isang inang nagpapakain sa kanyang anak. Sa isang bangketa, makikita natin ang isang matandang nagtitiyaga na magbenta ng kendi at sigarilyo upang may maipangtawid lamang sa araw. Sa ilalim ng tulay, makikita natin ang mag-asawang naglalambingan at nagkakatuwaan, hindi alintana ang ingay at usok na ibinubuga ng mga humaharot na bus at jeep. Sa isang kalsada sa N. Domingo, nakita ko ang ngiting nagbibigay pag-asa sa akin. Pag-asang sa darating na panahon, ngingiti na lamang tayo at ipagkikibit balikat ang anumang suliraning dumaan sa ating buhay. Magmasid tayo nang tayo’y matuto!

Walang komento: