Linggo, Enero 13, 2008

Hay Buhay!

‘Hay buhay,’ ito ang naging pambungad ng isang batang nagtitinda ng sampaguita minsan nang kumain ako sa isang karinderya sa may katipunan. Ang bata ay nasa edad na 7 o walong taon. Nagkatinginan lamang kaming mga kumakain na para bang nakikiramdam sa panaghoy ng isang murang bata tungkol sa buhay.

Isang natural na pangitain ang mga batang naglipana sa kalsada sa Kalakhang Maynila upang mamalimos o kung hindi naman ay maglako ng sigarilyo, kendi o pamunas ng mga nagmamaneho ng sasakyan. Dito nga sa may kahabaan ng Aurora kapansin pansin ang mga batanga sumasakay ng jeep at magpupunas ng mga sapatos ng mga pasahero at manghihingi ng kaunting barya. Mas lalo silang dumami noong nakaraang Disyembre kung saan mas madaling manghingi dahil na rin sa Kapaskuhan. Ang dating hindi normal na pangitain ay nagiging normal sa mga mata ng tao. Ang dapat na binibigyang solusyon sa problema ng kahirapan sa Kalakhang Maynila ay nagiging normal dahil na rin sa araw-araw na pakikisalamuha sa mga batang nagpapatintero sa daan at sa mga batang babaeng may bitbit na sanggol upang magmakaawa.

Hindi dapat nangyayari ang mga ganito subalit sa isang bayang maliit ang oportunidad upang makipagsabayan, patuloy na lumulubog sa kahirapan ang karamihan sa atin. Ang hindi pantay na oportunidad sa pag-ahon sa pagitan ng mga may kaya at ng mga walang wala ay patuloy na lumalala. Sa isang pag-aaral ng National Statistics Office ang pagitan ng mga mayayaman at ng mga mahihirap ay lumalaki. Ayon pa rin sa pag-aaral, ang sampung porsyento ng mga mayayamang pamilya ay nakikinabang sa 1/3 na kabuuang kinikita ng bansa. Ibig sabihin ang 1.74 milyon na mayayamang pamilyang Pilipino ay nakakakuha ng 36 porsyentong part eng kabuuang kita ng bansa na umaabot ng 3 trilyon piso ayon sa talaan noong 2006. Ibig sabihin ang mga mayayamang pamilya ay patuloy na yumayaman habang ang mga mahihirap na pamilya ay patuloy na naghihirap.

Hindi na ito nakakatuwa. Bagamat ipinapangalandakan ng ating pamahalaan na gumaganda daw ang ating pambansang ekonomiya, ang tanong ay para kanino at nasaan ang sinasabing pagganda ng ating ekonomiya. Maaaring sa pagdating ng panahon dadami pa rin ang mga batang magtitinda ng sampagita, sigarilyo, kendi at pamunas. Dadami na rin ang mga mag-aagawang makasakay ng jeep at mamalimos. Walang makakapansin nito kasi normal nang tingnan ang mukha ng kahirapan. Hay buhay!

Walang komento: