Biyernes, Agosto 31, 2007
Para kay 'Ina'
Ang kapiyestahan ay ipinagdiriwang tuwing pangatlong Sabado ng Setyembre. Nakagisnan ko ang paglilipat ni 'Ina' mula sa bahay nito sa Basilica Minore patungong Naga Metropolitan Cathedral na tinatawag na Traslacion. Idinadaan ang imahen ni 'Ina' sa Ilog ng Naga. Pagkatapos ng walong araw sa Naga Cathedral ay ibabalik ito sa kanyang bahay sa Basilica Minore sa pamamagitan ng fluvial procession. Sa pamamaraang ito, libo-libong voyadores ang nagpapasan at naghahangad na mahawakan man lamang ang damit o imahen ni Ina. Mapalad ako at lumaki ako sa Dayangdang, isang barangay na malapit sa Ilog ng Naga, kaya't nasaksihan ko kung paano inililipat si 'Ina'. Mayroong malaking pagoda ito na punong puno ng bulaklak. Ang pagodang ito ay hila hila naman ng maraming maliliit na bangkang de sagwan. Tuwing mapapadaan ang imahen ni 'Ina', makikita ko ang mga puting panyong iwinawagayway at mga sinindihang kandila. Mangingilabot ka sa ipinapakitang pagmamahal ng mga Bicolano kay 'Ina'. Mayroon ngang mga pagkakataon na lumulundag ang ilang mga tao sa Ilog upang makalapit sa pagoda.
Malaki ang pagkamangha ko sa tradisyong ito na aking nakagisnan. Sa panahong ito na maraming pagbabago sa ating lipunan dala ng malayang pagpapalitan ng impormasyon at karanasang makapangibang bayan, patuloy ang pagpapayabong ng tradisyong katulad nito. Marahil naka-ugat na rin kasi ito sa pang-arawaraw na pamumuhay ng mga Bicolano. Sadyang malapit daw sa Diyos ang mga Bicolano. Bagay na hindi namin ikinakaila dahil nga sa sitwasyon at kundisyong hinihingi ng panahon. Sa maraming pagsubok, bagyo at sakuna na naranasan ng mga tao doon, isang bagay lamang ang nagsilbing tanglaw at hingian ng tulong ng mga ito. Ito ay si Nuestra Senora de Penafrancia, ang 'Ina' ng mga Bicolano.
Pagbabalik Tanaw sa Kinaroroonan
Mga limang oras din ang biyahe mula Maynila hanggang Real, Quezon. Mula sa dalampasigan ng Dinahican ay tatawid pa kami ng isla upang marating ang bayan ng Panukulan sa Quezon. Isa ito sa mga pulo ng Polillo na matatagpuan sa silangan ng
Maliit lamang ang bangkang pampasahero. Kakaunti rin lamang kaming nakasakay, mas marami pa ang mga karton at sakong may laman ng mga pagkain at paninda. ‘Galing pa yan ng Divisoria!’ ika ng isang aleng katabi ko. Mas mura daw kasi ang mga paninda sa Divisoria at mas malapit pa ang Maynila kaysa Lucena, ang kapital ng probinsyang Quezon. Karamihan pala ng gamit at mga bilihin sa Panukulan ay nanggagaling sa Divisoria. ‘Subalit papaano kung masama ang panahon?’ ang tanong ko sa aking sarili.
Napansin ko na may videoke machine sa harap namin. Sa ibabaw nito nakalagay ang isang Sto. Niño. Maaaring ang videoke machine ang nagbibigay ng kaligayahan sa pagpapalaot at ang Sto. Niño ang nagbibigay ng kapanatagan ng loob. Napangiti ako. Hindi pa kami napapalayo ay lumakas na ang alon. Nagumpisa na rin ang kantahan. Tila hindi nila alintana ang hampas ng malalaking alon. Nakikanta na rin ako para maalis ang takot ko. Subalit tila lumakas pa lalo ang alon pagkatapos ng kanta ko. Hindi ko na lang sinundan pa ito.
Tanaw ko na ang bayan ng Panukulan mula sa sinasakyan naming bangkang pampasahero. May namumuo na ring grupo sa pantalan. Mayroon na ring mga traysikel at padyak ang nakaabang sa mga pasahero. Andun na rin ang aming sundo. ‘Magandang hapon po,’ ang bati ko kay Ate Marina, ang aming katiwala sa bahay. ‘Unang punta mo ba dine? Aba’y magugustuhan mo dito,’ ang tugon ni Ate
May inihandang tinapay at malamig na buko ang mga kasama namin sa bahay. Masarap ang buko dahil bagong kuha daw ito. Ang tinapay naman ay binili sa katabi naming Jolliboy. Wala pang kuryente, mamaya pang alas singko papaandarin ang generator ng bayan. ‘Mamaya pa ang kuryente kaya tahimik pa dito. Pero mamaya, mapapalaban ka sa kantahan.’ biro ni Ate
Ilan lamang si Ate Marina sa mga nakilala ko mula sa komunidad na baybayin ng Panukulan. Sa ilang ulit kong pagbalik sa Panukulan simula noong 2003 bilang isang mananaliksik ng Institute of Social Order[1], sari-saring kwento ang narinig ko tungkol sa pamumuhay ng mga tao na nakadepende sa Look ng Lamon. Ika nga ng mga tagaroon, nakaugnay ang mga buhay ng tao sa kalikasan at kasaganahan ng Look ng Lamon.
Naikwento rin ni Ate Marina ang kanilang karanasan ng paghuhuli ng mga suso sa dalampasigan. Ang tawag nila roon ay ‘tuwad tuwad’ dahil kailangan mong tumuwad upang makuha ang suso. Ginagawa lamang ito ng mga babae upang pandagdag ulam ng kanilang pamilya. Subalit sa pagbabago ng panahon nawala na ang mga suso at nawala na rin ang ‘tuwad tuwad’ na kinagisnan ni Ate Marina.
Nakilala ko rin si Kuya Willy, isang miyembrong Bantay Dagat, grupo na nagpapatupad ng Batas Pampangisdaan sa lugar. Ilang ulit na rin siyang pinagbantaan ng mga iligal na mangingisda dahil sa walang sawa niyang pagpapatupad ng batas. Noong nagkausap kami, nasabi niya na ginagawa niya lamang ang puspusang pagbabantay sa dagat dahil nakita niya rin ang paunti nang paunting huli ng mga mangingisda sa kanilang lugar. Kaya nga kahit may malubhang karamdaman, nito lamang mga unang buwan ng taon, pilit pa rin itong sumasama sa pagpapatrolya sa dagat.
Isa pang matingkad na karanasan ng mga taga-Panukulan ay ang malakas na bagyo noong 2005 (bagyong Reming) na nagdulot ng mudslide sa mga karatig bayan ng Real, Infanta at Gen. Nakar. Ilang lingo rin ang dumaan na walang nakapangisda at nagkasya na lamang sila sa mga natirang gulay na pananim. Nanawagan rin ng tulong ang kanilang mayor noon. Mahirap kasi ang pagpapadala ng mga relief goods dahil nga kinakailangan pa ng malalaki at matitibay na bangka upang marating ang bayan ng Panukulan.
Bagamat maraming pagsubok tila matatag at nananatiling buhay pa rin ang pamayanan doon. Tuloy pa rin ang pagpapainit ng mikropono ng videoke machine lalo na kapag piyesta ng bayan. Tuloy pa rin ang kanilang pananampalataya sa kanilang patron na si
Mayaman ang karanasan ng mga taga-Panukulan lalong lalo na sa pagbibigay kahalagahan ng mga ito sa Look ng Lamon. Para sa kanila ang kasaysayan ng Panukulan ay nakabatay sa kasaysayan ng Look ng Lamon. Ang kanilang pagkabigo sa buhay o mga tagumpay ay hindi mailalayo sa karagatan.
[1] Higit na sampung taon nang nakikipagtulungan ang Institute of Social Order (ISO) sa lokal na pamahalan at mga organisasyon sa Panukulan upang magpatupad ng Community-Based Coastal Resource Management. Nais nitong palakasin ang kakayahan, kaalaman at kalikasan ng mga tao upang bantayan at pangalagaan ang likas yamang dagat.
Sabado, Agosto 25, 2007
Mangingisdang ipinanganak, nabuhay sa karagatan
Tubig at buhangin, mundong kinagisnan
Bangka at sagwan ang siyang naging kanlungan
Munting pangarap, maibsan ang kahirapan
Hagupit ng panahon, pinanday ng samahan
Pangamba ng gahaman, hinurno ang paninindigan
Sa karagatan nabuhay, sa laot haharapin ang kamatayan
Sa piling ng mangingisda, umusbong ang kamalayan
Sa ilalim ng dagat may natatagong kagandahan
Mayroong mundong dapat pangalagaan
Sa piling ng mga isda, naroon ang kabuhayan
Sa piling ng mga bahura, naroon ang kagandahan
Sa piling ng mga mangingisda naroon ang kaligayahan
Mayroong lakas at kapangyarihan
Na kailanman hindi matitinag ng kasakiman
Ang pinagbuklod na mangingisda sa kanayunan
Sa piling nila, nandoon ang hinahangad na kalayaan.
Ni pulang hantik
-Ika 25 ng Agosto 2007